Higit P120-M halaga ng smuggled rice 'naglaho' sa kamay ng Customs

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Mahigit P120 milyong halaga ng nasamsam na smuggled rice ang bigla na lang naglaho sa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC) at kalaunan ay natagpuan sa mga pribadong bodega.

Unang inakala ng Philippine Coast Guard (PCG), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mga ilegal na droga ang paparating sa karagatan ng Zamboanga noong isang linggo.

Pero nang maharang ay lumabas na mga smuggled na bigas ito na galing sa Malaysia.

Kuwento ng PCG-Zamboanga, matapos nilang ma-intercept ang mga barkong may dala ng bigas ay inimbentaryo nila ito at nai-turn over sa BOC. 

"Nag-request na kami sa Customs for a warehouse at subsequently may warehouse na 'yung mga cargo," pagtataka ni Lieutenant Commander Noriel Ramos, station commander ng PCG-Zamboanga. 

Ngunit makalipas ang ilang araw, bigla na lang itong nawala sa kustodiya ng Customs at nakalabas na ng compound kahit na wala itong mga kaukulang papeles.

Nakuhanan pa ng retrato ng mga awtoridad ang ilang bigas na nasa labas na ng BOC compound.

"Inimbentaryo po namin 'yung bigas at nandu'n 'yung representative ng Customs, sila nag-provide ng trucks para dalhin sa warehouse for safekeeping," ani Ramos.

Base sa batas, dapat idinideretso ang mga kuwestiyonableng bigas sa mga tanggapan ng National Food Authority (NFA) o Department of Public Works and Highways (DPWH) warehouses at hindi sa mga pribadong bodega.

IMBESTIGASYON

Ayon sa tagapagsalita ng Customs na si Dino Austria, pinaiimbestigahan na ni BOC commissioner Isidro Lapeña ang mga opisyal ng ahensiya sa Zamboanga.

Ni-relieve na rin sa puwesto ang Customs police chief ng Zamboanga, ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service director Joeffrey Tacio. 

May rekomendasyon na rin na sibakin ang mismong Customs district collector ng Zamboanga City na si Atty. Lyceo Martinez. 

Giit naman ni Martinez, wala siyang kinalaman sa pagkawala ng mga bigas.

"Ako, being the district collector, ako ang mananagot pag nawala 'yan. Why will I order somebody para i-release 'yan at ako'y nasa Manila that time," paliwanag ni Martinez.

Pero ayon sa mga taga-Customs, hindi lang ito ang unang pagkakataon na may nawawalang mga nasamsam na kargamento sa Customs-Zamboanga. —Ulat ni Henry Omaga-Diaz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.