ALAMIN: Bakit tinatanggal ang sapatos sa security check ng airport

ABS-CBN News

Posted at Oct 03 2018 05:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inulan ng batikos si ACTS-OFW party-list representative John Bertiz matapos mag-viral sa social media ang video kung saan makikita ang inasta niya sa isang screener nang sitahin sa hindi pagtanggal ng sapatos sa security check ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). 

Pero gaano nga ba kaimportante ang pagsunod sa nasabing patakaran? 

Ayon sa isang abogado, hindi lamang sa lokal na batas nakapailalim ang mga patakaran tungkol sa pagsunod sa mga security protocol. Saklaw rin ito ng pandaigdigang batas na sinusunod ng mga awtoridad. 

"Hindi lang ito lokal na batas kundi international. Bakit? Kasi iniiwasan natin 'yung mga bagay na hindi dapat mangyari," ani Atty. Claire Castro sa "Usapang de Campanilla" nitong Martes.

"May mga pagkakataon na may isang sitwasyon na kung saan sa sapatos inilagay [ang explosive] na minsan di mo mapapansin kasi suot," dagdag pa niya. 

Nagsimula raw ito noong "9/11 bombings" noong 2001 kung saan sinabing isinilid raw ng mga terorista ang mga pampasabog sa kanilang mga sapatos.

Alinsunod din daw ito sa mga patakaran ng Convention on International Civil Aviation. May mga lebel rin ng seguridad na sinusundan ang paliparan para masiguradong ligtas ang mga pasahero. 

Hindi lamang mga pasahero ang sumasailalim sa mga security check kundi pati na rin ang mga flight attendant at mga piloto. 

Kung lalabag ang mga pasahero sa mga ganitong patakaran, maaaring hindi sila pahintulutan na bumiyahe. 

Dahil kawani ng gobyerno si Bertiz, ani Castro, maaari rin daw nalabag ng kongresista ang R.A. 6713 o ang batas na nagtatakda ng mga dapat iaasal ng mga public official. 

Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng Kamara ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.