Insidente ng pamamalo sa Davao, nagdulot ng takot sa mga residente

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 11:12 AM | Updated as of Oct 02 2019 11:53 PM

Walang taong makikitang nakatambay sa mga kalsada o maging sa basketball court matapos ang insidente ng pamamalo sa ilang mga residente ng hindi pa nakikilalang mga taong nakasakay sa motorsiklo. Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

DAVAO CITY – Tila nagdala ng takot ang naging insidente ng pamamalo sa mga nakatambay sa kalsada sa dis oras ng gabi dahil tahimik at walang tao ang mga kalye sa Barangay Sasa at Barangay 76-A, Martes ng gabi.

Ito’y matapos maglipana sa social media ang mga litrato at reklamo ng mga residenteng biktima ng pamamalo ng hindi pa kilalang grupong nakamotorsiklo sa mga nakatambay sa kalsada sa curfew hours.

Maging sa internet shops ay hindi na pinapayagan pang maglaro ang mga bata pagsapit ng alas-9 ng gabi matapos pagsabihan ng awtoridad.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa mga residente, takot silang mabiktima ng mga namamalo kaya mas mabuting nasa loob na lang ng bahay. Ang ibang mga magulang, maagang pinatulog ang mga bata.

Patuloy rin ang pagronda ng mga pulis at tanod para masigurong nasusunod ang curfew ng siyudad.

Samantala, mariing itinanggi naman nilang sila ang may kagagawan ng insidente ng pamamalo sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.