Espesyal na mall hours ngayong Kapaskuhan pinaplantsa na

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 04:48 PM

MAYNILA — Pinaplantsa na ng mga ahensiya ng pamahalaan ang paraan upang mapaluwag ang daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan. 

Isa sa mga inilalatag na panukala ay ang pagbabago ng mall hours partikular na sa malls na nasa EDSA at iba pang mga pangunahing lansangan.

Sa pagdinig ng Kamara nitong Miyerkoles, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) assistant general manager Jose Campo na muli nilang isusulong na magbukas ang mga mall tuwing alas-11 ng umaga.

Balak muling kausapin ng MMDA ang mga mall operator para sa pag-adjust ng kanilang oras ngayong holiday.

Gayunman, hindi pa rin malinaw kung kailan magsisimula ang panukala.

Kasabay nito, ipinanukala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) undersecretary Epimaco Densing na bumuo ng special committee na tututok sa lahat ng mga plano at programa ngayong Kapaskuhan na siyang titiyak na maiibsan ang holiday traffic sa Metro Manila.

Samantala, muling aabisuhan ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal ang mga airline company na sundin ang oras ng departure at arrival ng mga flight.

Ito ay para hindi mag-domino effect sa mga papaalis at paparating na flights.

Magdadagdag naman ang Philippine National Railways ng biyahe simula Nobyembre 15 at ma-e-extend sila ng kanilang biyahe hanggang 8:30 ng gabi mula sa dating 7:30.— Ulat ni Zandro Ochona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.