Bagyong Queenie, 'di tatama sa kalupaan; lalabas ng PAR sa Biyernes

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 12:51 PM

MAYNILA - Bahagyang bumilis ang bagyong Queenie pero hindi naman ito tatama sa kalupaan, base sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Martes ng umaga.

Sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyo na may layong 1,139 kilometers sa silangan ng Tuguegarao sa Cagayan.

Taglay nito ang hanging 200 kilometers per hour (kph) at pagbugso na 245 kph.

Gumagalaw pa west northwest ang bagyo sa 20 kph.

Base sa pagtataya ng PAGASA, mananatili sa bansa ang bagyo nang tatlong araw pa bago nito tuluyang lisanin ang Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Biyernes.

"For today, may aasahan po tayong pag-ulan at isolated thunderstorms ngayon pong hapon o tanghali dito sa may parteng Southern Luzon, including Metro Manila. Ito po ay mga panandaliang pagbuhos ng ulan," sabi ni weather specialist Benison Estareja.

Makararanas din ng pag-ulan ang buong Visayas at Mindanao sa gabi dahil sa trough o ang outer part ng bagyo.

Wala namang tropical cyclone warning signals ang inaasahang itataas sa susunod na mga araw.

Samantala, nakataas naman ang gale warning sa northern seaboard ng Northern Luzon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.