Babae timbog sa 'panloloko' sa higit 10 aplikante ng trabaho sa Dubai

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2018 08:02 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang itinuturong illegal recruiter ang arestado matapos umano manloko ng mahigit 10 aplikante ng trabaho sa Dubai. 

Sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI), isa sa mga biktima ang nagkunwaring magbibigay ng P16,000 processing at medical fees sa kawatan na si alyas "Aisha Yap."

Nang makuha ng suspek ang pera ay hudyat na ito para arestuhin siya ng NBI anti-human trafficking division.

Pagdating sa NBI headquarters, doon na nalaman na Lolita Concesa pala ang tunay na pangalan ng umano'y illegal recruiter. 
 
Doon din nakiusap ang suspek sa kaniyang mga biktima. Paliwanag niya, nautusan lang siyang tumanggap ng pera. 

"Ibibigay ko ang pera niyo, mag-usap tayo," ani Concesa. 

Kuwento ng mga aplikante, mahigit 10 ang hiningan niya ng pera para sa pangakong trabaho bilang cleaner sa Dubai.

Nang komprontahin ng biktimang si Florentino Saldin ang suspek tungkol sa usad ng kanilang aplikasyon, binantaan pa raw siya ni Concesa noon. 

"Sabi ko sa kaniya ayaw ko na niloloko ako. Tapos sabi niya sa akin uubusin niya ang pamilya ko," ani Saldin. 

Ayon sa NBI, walang lisensiya ang suspek bilang recruiter.     

Ayon naman sa NBI, dapat naghinala na raw ang mga aplikante na wala siyang opisina at resibong ibinibigay.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa kasong illegal recruitment. 
    
—Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.