PNP chief nanghimasok umano sa pagsibak sa mga dawit sa 'agaw-bato'

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 08:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinuro ng 2 retiradong pulis si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde na nanghimasok umano sa pagsibak ng mga pulis na sabit sa 2013 anti-drug operation sa Pampanga.

Sa pagdinig sa Senado ngayong Martes, nagbatuhan ng mga paratang sina Albayalde, Philippine Drug Enforcement Agency Director General Aaron Aquino, at Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Nag-umpisa ang batuhan ng bintang nang gisahin ng mga senador si Maj. Rodney Baloyo, na nanguna sa raid sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 2013 laban sa umano'y Chinese drug lord na si Johnson Lee.

Nabisto ni Magalong, na noo'y direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang nangyaring "agaw-bato scheme."

"We were able to establish around 200 kilos talaga ang nakuha against the 38 kilos na 'dineclare' nila," ani Magalong.

"It turned out that during the presentation, it was not Johnson Lee they presented, another individual, Chinese national... according to our sources, si Lee ay nagbayad ng around P50 million for his freedom," dagdag ni Magalong.

Sinabi ni Magalong na si dating PNP chief Alan Purisima mismo ang nag-utos na imbestigahan ang mga nasabing pulis na lumahok sa raid.

Ito ay matapos makatanggap ng impormasyong nagkaroon ng sports utility vehicle (SUV) ang mga pulis matapos ang operasyon.

Labintatlong pulis na sangkot sa Pampanga drug raid noong 2013, kabilang ang 2 opisyal, ang kinasuhan.

Ipinaliwanag ng PNP officials na demotion ang parusa sa grupo ni Baloyo dahil tinimbang din dito ang mga award na nakuha nila.

Pero ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi pa pinal ang hatol kina Baloyo dahil nire-review pa ang kaso.

Lumabas na 6 na taong natengga ang dimissal order na pinirmahan ni dating Calabrzon police director Raul Petrasanta laban sa grupo ni Baloyo.

Hindi rin ito naaksiyunan ni Aquino na minsang nagsilbing direktor ng Calabarzon police.

"During the time kasi, the war on drugs started... and there's so much thing to do. Talagang hindi ko naupuan ito," ani Aquino.

"The only thing I gave during that time was to reassign Baloyo and all his men to Mindanao," dagdag ni Aquino.

Sinita ni Sen. Franklin Drilon si Aquino.

"When you do not implement a dismissal order, people will start to wonder, siguro kasama itong si General Aquino noong panahong iyon," ani Drilon.

Ibinunyag na nina Aquino at Magalong ang umano ay pakikialam ni Albayalde, noo'y hepe ng Pampanga police, sa kaso ng mga pulis sa raid at pagharang umano sa pagsibak sa kanila.

"Last week, nag-usap kami ni Aaron [Aquino] and he told me everything. I know, Aaron, that you are in a tight situation, I'm also in a tight situation. Bakit 'di mo sabihin 'yong sinabi mo sa 'kin?" ani Magalong.

"There was a time when General Albayalde called me but it's between July and December 2016. Nagtatanong siya sa status of the case nina Baloyo," ani Aquino.

Dumepensa naman si Albayalde.

"Of course, I would ask them because people, their relatives would also be asking me the fate of their father, these policemen," ani Albayalde.

"Never in one time did I ask for any favor," dagdag ni Albayalde.

Pero ayon kay Magalong, sinabihan daw ni Albayalde si Aquino na huwag ipatupad ang dismissal order.

"Ang ginawa ni DG Aquino is tinapon niya sila sa Mindanao para mayroon siyang action," dagdag ni Magalong.

Sinabi ni Magalong na hindi siya tumigil mag-follow up ng kaso nina Baloyo hanggang sa inabot na ng kaniyang retirement.

"Ang dami niyang dapat i-explain kung bakit napaka-special ng grupong ito sa kaniya," ani Magalong.

Nakiusap naman si Albayalde sa mga senador na hintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Department of Justice.

Itutuloy ng Senado sa Oktubre 3 ang pagdinig. -- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.