Oras ng pagbibigay ng bakuna vs polio balak palawigin

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 07:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Bunsod ng mababang vaccine coverage ng polio sa Maynila noong Agosto, binabalak ng Department of Health na dagdagan ang oras at araw ng pagbibigay nila ng bakuna laban sa sakit.

Ayon kay Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeiri, nang isagawa ang unang round ng pagbabakuna ng oral polio vaccine (OPV), 55 porsiyento lang sa target na 200,000 bata ang nabakunahan.

"About 40 percent of those missed children during the time of that campaign in Manila, 'yong kanilang mga magulang ay wala sa mga bahay," ani Vergeiri.

Kasado na ang malawakang pamimigay ng DOH ng OPV sa iba-ibang bahagi ng bansa.

Ang unang round ng OPV sa Mindanao ay mangyayari sa Lanao del Sur, Marawi City, Davao City, at Davao del Sur sa Oktubre 14.

Oktubre 14 din ang ikalawang round ng OPV sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.

Buong Mindanao at NCR naman ang bibigyan ng OPV sa Nobyembre 25.

Inabisuhan na rin ang mga pamahalaang lokal sa Central Luzon at Calabarzon na paigtingin ang routine vaccination ng mga bata.

Nasa 5.5 milyong batang may edad 5 pababa ang target mabigyan ng OPV.

Kinumpirma ng Department of Health noong nakaraang buwan ang pagbabalik ng polio sa bansa, halos 2 dekada matapos ideklara ng WHO na polio-free ang Pilipinas. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.