Ilang residente pinagpapalo ng mga lalaking lulan ng motor sa Davao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 06:29 PM

Ilang Dabawenyo ang pinagpapalo ng mga di kilalang mga lalaki na nakasakay sa motor sa Davao City.

DAVAO CITY - Nagkalat sa social media ang mga litrato ng ilang mga residente na biktima ng pamamalo ng mga di kilalang lalaki na nakasakay sa motor dito sa lungsod.

Kabilang sa mga nabiktima ay si Alfie Camporedondo, 21, na natamaan sa likurang parte ng kaniyang hita.

Ayon kay Camporedondo, pauwi siya sa bahay ng kaniyang lola nang maabutan siya ng mga lalaking nakamotor at bigla siyang pinagpapalo, Martes ng madaling araw.

"Nagtaka ako bakit nila ako pinalo, kaya 'yong pinsan ko 'di nakapagsalita kasi, bakit ganon? Wala ako kasalanan," ani Camporedondo.

Bago ito, pinalo din ng mga lalaking sakay ng motor ang 3 ibang pang Dabawenyo.

Anila, galing sila sa trabaho at nakatambay sa kanilang kapitbahay nang dumaan ang mga nakamotor at pinagpapalo sila sa kamay, likod at hita.

Suspetsa nila, mga pulis at tanod ang responsable.

"'Di na kami nag-expect, kasi useless lang naman na magpa-blotter kami, kasi tropa lang din naman nila iyan kaya umuwi na lang kami," ani alyas "Toto."

Ayon sa pulisya, sa daming nagreklamo sa social media, isa lang ang nagpa-blotter sa kanila.

Ayon kay Police Maj. Reuben Libera, hepe ng Sasa Police, posibleng napagbuntungan lang ng galit si Camporedondo ng mga nanggugulo sa lugar.

Itinanggi naman ng pulisya at barangay na sila ang responsable sa mga insidente ng pamamalo.

"'Di ako papayag niyan. Maski ako, I will disobey because that is an illegal order. I am duty bound to legal orders na inutos sa akin" ani Libera.

Hinimok ng mga awtoridad na magsampa ng pormal na reklamo ang mga nabiktima upang maimbestigahan at maaksyunan. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.