Emirates Red Crescent nag-donate ng paaralan sa Taguig

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 08:13 PM

May walong classroom ang paaralang ibinigay ng Emirates Red Crescent ng United Arab Emirates sa Taguig. Larawan mula sa Emirates News Agency 


ABU DHABI, United Arab Emirates – Nasa 500 estudyante sa Maynila ang nabigyan ng bagong silid-aralan matapos pasinayaan ang eskuwelahang ibinahagi ng Emirates Red Crescent (ERC) ng United Arab Emirates (UAE).

Sa anunsiyo ng ERC, isang paaralang tinawag nilang Attaya School na may walong silid-aralan at opisina para sa administration at service facilities ang binuksan sa lungsod.

Ito ay bahagi ng paglulunsad nila ng bagong development aid projects sa Pilipinas na nakatutok sa sektor ng edukasyon at tulong pang-tubigan.

Nakatakda ring ilunsad ang iba pang proyekto sa ilang parte ng Pilipinas na naaapektuhan ng mga nagdaang baha at kalamidad.

Ang delegasyon ng ERC ay pinangunahan nina Hamoud Abdullah Al Junaibi, Deputy Secretary-General ng ERC Marketing and Donation Collection Division, Obaid Rahmat Al Baloushi, Director ng Projects sa ERC, at Hamad Saeed Al Zaabi, ang UAE Ambassador sa Pilipinas.

“Our work in the Philippines is in line with our overall strategy to rebuild the damage caused by natural disasters,” pahayag ni Dr. Mohammed Ateeq Al Falahi, ERC Secretary- General.

Dagdag niya, ang pagbisita ng delegasyon ng ERC sa bansa ay nagsasaad ng kanilang interes sa Pilipinas para maglunsad pa ng mga inisyatibong tutulong sa mga lokal na kumunidad at makapagbigay ng positibong epekto sa buhay ng mga taong naninirahan doon.

Sa ngayon, ang ERC, ayon kay Al Junaibi, ay nakapagpatayo at nakakumpuni na ng 21 paaralan para sa 10,000 estudyante. Maliban dito, mayroon na ring 15 courts para sa sports, 12 na theater, services and health facilities, at mayroon ding computer laboratories. 

Nag-supply na rin sila ng mga upuan at ilan pang kagamitan sa mga eskuwelahan sa Pilipinas.

Ang mga nasabing proyekto ay masusing imo-monitor ni His Highness Sheikh Hamdan bin Zayed Al Nahyan, ang Ruler’s Representative sa Al Dhafra Region at Chairman ng ERC. Ito ay pumapaloob sa Year of Tolerance na siyang nagrerepresenta ng pangmundong mensahe ng UAE sa sangkatauhan.

Ang Emirates Red Crescent ay volunteer humanitarian organization na nagbibigay suporta sa mga panahon ng kapayapaan o giyera. Sila ay miyembro ng international Federation ng Red Cross at Red Crescent Societies mula pa noong 1986.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.