DOH magsasagawa ng 3 round ng sabayang patak kontra polio sa Mindanao

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 12:26 AM

DAVAO CITY - Naghahanda na ang Department of Health sa tulong ng UNICEF at World Health Organization sa gaganapin na sabayang patak kontra polio sa Mindanao bilang agarang aksyon sa polio outbreak.

Ito ay para mabigyan ng proteksyon ang mga batang edad lima pababa.

Tatlong rounds ng sabayang patak kontra polio ang gaganapin.

Gaganapin ang unang round ng pagbabakuna sa Oktubre 14 hanggang 27 sa Davao City at Davao Del Sur.

Gaganapin naman ang ikalawang round sa November 25 hanggang December 7, 2019 sa lahat ng rehiyon sa Mindanao, habang ang ikatlong round ay sa January 6 hanggang 18, 2020 sa lahat ng rehiyon sa Mindanao.

Ayon sa DOH, hindi lamang ito basta na vaccination kundi kailangan na lahat ng bata ay mabigyan ng Oral Polio Vaccine.

Sa Davao City, 186,869 na bata ang target na bigyan ng DOH ng OPV.

Plano ngayon ng konseho na magpasa ng ordinansa hinggil sa mandatory immunization.

"We push for zero open defecation ordinance and also probably an ordinance to strengthen the mandatory immunization for all children para matulungan ang DOH, UNICEF and WHO in their campaign to prevent the resurgence of polio here in Davao City," paliwanag ni Councilor Joselle Villafuerte, chairman ng Committee on Health ng City Council.

Nilinaw ng DOH na hindi dapat mag-alala kung pabalik-balik na mabigyan ng bakuna ang mga bata. Wala umanong overdose at mas mabuti ito sa kalusugan ng bawat bata lalo na at may polio outbreak sa bansa.

Libre lang din ang bakuna.

"Aside from immunization we remind the public to practice good personal hygiene, wash their hands, use the toilets, drink safe water and cook your food thoroughly," ani Dr. Abdullah Dumama Jr., DOH assistant secretary sa Visayas at Mindanao.

Makikipag-ugnayan ang DOH sa lokal na pamahalaan kung ano ang paraan upang lahat ng bata na may edad limang taong gulang pababa ang mabigyan ng OPV.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.