Bagong PMA head sa alumni: Tumulong na wakasan ang kultura ng karahasan

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 04:36 PM | Updated as of Oct 01 2019 07:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nanawagan ang bagong superintendent ng Philippine Military Academy (PMA) sa mga alumni na tumulong na wakasan ang kultura ng karahasan sa paaralan.

Sa pormal na pag-upo ni Rear Admiral Allan Cusi ngayong Martes bilang PMA superintendent, sinabi niyang hindi dapat mamayani ang kultura ng karahasan sa institusyong lumilikha ng mga susunod na pinuno ng bansa.

"Declaring an all out war is not enough in totally eradicating hazing, it is a burden that must be carried by all PMA alumni and all officers of the [Armed Forces of the Philippines]," ani Cusi sa isang seremonya sa Fort del Pilar sa Baguio City.

Sa press conference, sinabi ni Cusi na hindi dapat gamitin ang maltreatment bilang pagsubok sa disiplina ng mga kadete.

"Kapag pupunta dito, treat cadets with respect," ani Cusi.

"Ayoko gawing gauge na dahil nahirapan ka, mas magaling ka. Physically nakayanan mo, magaling ka," dagdag niya.

Ito ang ikatlong beses na naitalaga si Cusi sa PMA at sa pagkakataong ito ay baka raw mabago na niya ang marahas na kultura.

Hindi itinanggi ni Cusi na maging siya ay pinahirapan pero naniniwala siyang dapat nang tuldukan ang hazing sa PMA.

Marami rin daw heneral na nais na ring wakasan ang kultura ng karahasan sa paaralan.

Ayon naman kay AFP chief of staff Lt. Gen. Noel Clement, kumikilos na ngayon ang AFP para pag-aralan kung paano itatama ang mga maling nakagawian ng mga kadete.

"Abuse and maltreatment have no place in the academy and Armed Forces at large. We do not condone violence in any shape or form," ani Clement.

Mananatili naman muna sa kustodiya ng PMA ang mga suspek sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio habang inihahanda ang mga kasong kriminal laban sa kanila, ani Clement.

Pumanaw si Dormitorio dahil sa blunt force trauma na tinamo sa hazing. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.