Albularyo tiklo matapos umanong manghipo ng 4 babae sa Zamboanga

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 05:19 PM | Updated as of Oct 01 2019 10:06 PM

Kilala sa alyas "Commander Agila," inaresto ang albularyo matapos manghipo umano ng mga babaeng nagpagamot sa kanya sa Zamboanga City nitong Linggo, Sept. 29, 2019. Chrisel Almonia, ABS-CBN News

ZAMBOANGA CITY (UPDATE) - Isang albularyo ang inaresto matapos niya umanong hipuan ang 4 na babae na noo'y nagpagamot sa kaniya dito sa lungsod nitong Linggo.

Kinilala ang suspek na si Isidro Bucoy, 73, alyas "Commander Agila."

Ayon sa pulisya, magkakasamang pumunta ang apat na babae sa bahay ng suspek upang magpagamot.

Hinawakan umano ng suspek ang kanilang maseselang bahagi na kabilang daw sa proseso ng kaniyang panggagamot.

Itinanggi naman ng suspek lahat ng mga binibintang sa kaniya.

Aniya, sinisiraan lang siya ng mga biktima dahil sa loob ng 35 taong panggagamot niya, ngayon lang may nagreklamo sa kaniya.

Acts of lasciviousness ang kasong kinakaharap ngayon ng albularyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.