91 Chinese, 4 Pinoy nasagip sa pambubugaw sa Makati bar

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 03:26 PM | Updated as of Oct 01 2019 07:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Higit 90 babae ang nasagip sa pagsalakay noong gabi ng Lunes sa isang bar sa Makati na umano ay ginagamit na pugad ng prostitusyon.

Nasa 91 babaeng Chinese at 4 Pinay ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Fraud Division sa bar sa Barangay San Antonio habang naaresto naman ang 4 na Chinese at 4 Pinoy na nagpapatakbo ng establisimyento.

Matapos makatanggap ng sumbong mula sa Chinese na isa umanong pugad ng prostitusyon ang bar, nagsagawa ng 2 linggong surveillance o pagmamanman ang NBI.

Nagpositibo ang operasyon matapos maka-book ang NBI asset ng isang Pinay sa halagang P29,000.

Puwede ring gumamit ng app para maka-book ng babae, ayon kay Jun Astreto, executive officer ng NBI Anti-Fraud Division.

Lumabas sa imbestigasyon na isang taon na ang operasyon ng bar.

Kakasuhan ang 8 suspek ng paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at Cybercrime Prevention Act.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng establisimyento. -- Ulat ni Lady Vicecnio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.