5 Pinoy nasaktan sa gumuhong tulay sa Taiwan

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2019 06:07 PM | Updated as of Oct 01 2019 07:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Limang Pinoy ang kabilang sa mga nasaktan matapos mapatid ang kable at bumagsak ang isang tulay sa Taiwan nitong umaga ng Martes.

Isinugod sa ospital ang 5 Pinoy pero 3 rito ay pinauwi na, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO), ang tanggapan ng mga kinatawan ng bansa sa Taiwan.

Tatlong Pinoy naman ang na-trap sa bangka at nawawala, sabi ng MECO.

"Nagre-refuel sila sa lugar nang mangyari ang insidente," ani Gerry de Belen, direktor ng administration and information office ng MECO.

Binigyan ng tulong sa pagpapa-ospital ang mga nasaktan sa insidente, ani De Belen.

Pasado alas-10 ng umaga nang bumagsak ang tulay sa may Yilan county, Taiwan.

Agad nagsagawa ng search and rescue ang mga diver para mailigtas ang mga pinangangambahang naipit sa kanilang mga bangka nang bumagsak ang tulay.

Tatlong fishing boat at 2 sasakyan, kabilang ang isang oil tanker, ang nadamay sa pagbagsak ng tulay.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng tulay. -- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.