Parusa, imbestigasyon nakaumang sa kongresista sa airport video

ABS-CBN News

Posted at Oct 01 2018 01:27 PM | Updated as of Oct 01 2018 09:39 PM

Humingi ng paumanhin nitong Lunes si ACTS OFW party-list Rep. Aniceto "John" Bertiz III dahil sa kaniyang inasta sa isang viral video na kuha sa NAIA Terminal 2. Mark Demayo, ABS-CBN News

Malinaw na nagkaroon ng paglabag sa mga patakaran nang hablutin ni ACTS OFW party-list Rep. John Bertiz ang ID ng isang security personnel sa paliparan, ayon sa isang Transportation official. Samantala, may ethics case ding binabalak sa Kamara laban kay Bertiz. 

Sa isang press briefing nitong Lunes, sinabi ni Transportation Undersecretary Arturo Evangelista na hinihintay na lamang niya ang gabay mula sa Department of Transportation (DOTr) at kay Pangulong Rodrigo Duterte bago desisyunan ang insidente. 

"'Pag pinagbasehan natin ang video, mayroon breach of protocol [paglabag sa mga patakaran]. Ang linaw naman eh. Kayo ba gagawin niyo 'yon na agawan niyo ng ID iyong naka-duty?" sabi ni Evangelista, na administrador din ng Office for Transportation Security.

"Hindi ko pa madesisyunan 'yan, I have to wait for the secretary of DOTr as well as the president but definitely may violation siya," dagdag ni Evangelista.

Sa isang video na nag-viral sa social media noong nagdaang weekend, mapapanood si Bertiz na dumaan sa security check area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at tila pinagalitan ang isang security personnel bago hablutin ang ID nito.

Pinakita rin ni Bertiz sa security personnel ang kaniyang airport ID, base sa video. Tumanggi rin umano si Bertiz na magtanggal ng sapatos sa security check.

Dagdag ni Evangelista, kahit pa may airport ID si Bertiz ay kailangan pa rin niyang tanggalin ang kaniyang mga sapatos bilang pagsunod sa mga patakaran ng airport security.

"Kahit na may ID ka, 'pag dumaan ka sa ganoon, obligado ka pa rin na magtanggal ng sapatos," ani Evangelista.

Ibinibigay ang ID sa mga opisyal ng gobyerno na may mga opisyal na gagampanan sa loob ng airport.

Sa panayam ng ABS-CBN News noong Linggo, sinabi ni Bertiz na na-edit ang video at hindi isinama ang pagsita niya sa screening officer na pinadaan lang sa metal detector ang ilang dayuhang nakasapatos din.

Sa isang press conference nitong Lunes, muling humingi ng paumanhin si Bertiz sa kaniyang inasal at inaming nakatatanggap na siya ng death threats o mga banta sa kaniyang buhay.

Nauna nang humingi ng tawad si Bertiz noong Linggo sa pamamagitan ng pahayag na inilabas ng kaniyang opisina.

Watch more in iWant or TFC.tv

'WALANG PINALAGPAS NA MGA DAYUHAN'

Pero ayon kay Manila International Airport Authority general manager Ed Monreal, base sa dalawang CCTV video na pinanood niya, walang mga dayuhang dumaan sa airport checkpoint.

"Wala ho kaming nakitang allegedly Chinese-looking [people] sa footage. Na-review ko po 'yung CCTV, about 20 minutes prior to the incident wala po kaming nakita," sabi ni Monreal nitong Lunes sa isang press conference.

"Pero kung mayroon hong ibang ebidensiya ang ating mahal na congressman ay 'yan po ay itutuloy po namin," ani Monreal.

Sumang-ayon si Monreal sa sinabi ni Evangelista na may paglabag si Bertiz sa mga patakaran ng paliparan.

"Sa totoo lang wala po siyang karapatang magkumpiska ng ID. Ang mas maganda ho sanang ginawa niya, siya ay tumawag ng isang supervisor na nandoon sa area para ho maaksiyunan nang nasa tamang proseso," ani Monreal.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung paano nakalabas sa social media ang security footage ng insidente.

Ipinauubaya naman ni Monreal sa Office for Transportation Security ang posibleng parusa kay Bertiz.

Watch more in iWant or TFC.tv

ETHICS CASE

Balak naman ng minorya sa Kamara na magsampa ng ethics complaint laban sa kanilang kasamahang si Bertiz dahil sa insidente sa paliparan.

Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, maghihintay lamang silang mga miyembro ng minorya hanggang Miyerkoles sakaling may ibang partidong nais ireklamo si Bertiz. Kung wala ay sila mismo ang maghahain ng reklamo.

"We're waiting baka merong outside party that will trigger a congressional [investigation]," sabi nitong Lunes ni Suarez.

Humingi na rin umano sina Suarez ng kopya ng CCTV footage ng paliparan para imbestigahan ang paratang ni Bertiz na na-edit ang viral video.

Sinabi naman ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na ipinauubaya na niya kina Suarez ang isyung kinahaharap ni Bertiz.

Nag-viral din noong nakaraang linggo si Bertiz matapos magbiro na hindi makukuha ng bagong batch ng mga inhenyero ang kanilang mga lisensiya mula sa Professional Regulatory Commission kung hindi nila kilala si Special Assistant to the President Bong Go, na magbibigay dapat ng talumpati sa oath-taking ceremony. 

-- May ulat nina Jacque Manabat at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.