Pag-iwas sa rabies ituturo sa mga paaralan

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 04:44 PM | Updated as of Sep 30 2019 07:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Malapit nang gamitin ng mga guro ang 78 na lesson plan na inilunsad ng Department of Education (DepEd) sa mga paaralan para maturuan ang mga bata kung ano gagawin sakaling makagat siya ng asong may rabies.

Susi ang edukasyon para malabanan ang rabies, ayon kay Education Assistant Secretary Salvador Malana.

"Intervention at an early age is expected to empower children, their teachers and their families with the knowledge to protect themselves from bites, prevent rabies and save lives," sabi ni Malaya.

Target turuan ang mga estudyante mula kindergarten hanggang Grade 10.

Nasa 21 milyong learners mula sa higit 45,000 paaralan ang makikinabang sa programang layong ituro ang pag-iwas sa rabies, ani Malaya.

Nasa 200 hanggang 250 Pilipino ang namamatay sa rabies kada taon at 30 porsiyento rito ay mga bata, ayon sa tala ng DepEd.

Ang rabies ay nakahahawa, walang lunas, at nakamamatay na sakit mula sa aso, pusa at iba pang katulad na hayop. Karaniwang naililipat sa tao ang rabies sa pamamagitan ng kagat.

Puwede raw ma-access ng mga guro ang mga lesson plan sa DepEd learning portal.

Nangangalap pa raw ng pondo para mai-print ang mga plan at maibahagi sa libo-libong pampublikong paaralan.

Katuwang ng DepEd sa programa ang Global Alliance for Rabies Control (GARC), Department of Health, Department of Agriculture, at Department of the Interior and Local Government. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.