Jeepney drivers, operators nagkasa ng transport strike

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2019 01:37 PM | Updated as of Sep 30 2019 07:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ilang jeepney driver at operator mula sa iba-ibang grupo ang lumahok ngayong Lunes sa malawakang transport strike o tigil-pasada para ihayag ang kanilang pagtutol sa planong phaseout ng mga jeepney at UV Express sa susunod na taon.

Nasa 200,000 drivers at operators o 90 porsiyento ang lumahok sa tigil-pasada sa iba-ibang bahagi ng bansa, ayon kay Efren de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO).

Bukod sa ACTO, kasama rin ang mga grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Stop and GO sa mga nakiisa sa tigil-pasada.

Itinuring ni De Luna na matagumpay ang protesta.

"Mga 90 percent ay nakita namin na talagang huminto. Napakita namin sa pamahalaan na kailangan kami ng taumbayan," ani De Luna sa panayam ng ABS-CBN News.

Dahil sa protesta, nagsuspende ng pasok sa paaralan ang ilang pamahalaang lokal.

Nagpakalat din ang pamahalaan ng libreng sakay para sa mga apektado ng tigil-pasada.

MAHAL ANG MODERNONG JEEP

Ayon kay De Luna, masyadong mahal ang mga bagong unit ng jeepney.

"Ang halaga ay P2.5 million, mapipilitan ngayon 'yan (tsuper) na magtaas din ng pamasahe dahil malaki 'yong obligasyon nila na ibabayad sa bangko," aniya.

"Ang laban namin ang aming kabuhayan at saka kabuhayan din ng aming pasahero," dagdag ni De Luna.

Sa panayam ng DZMM, nilinaw din ni De Luna na hindi sila tutol sa modernisasyon ng mga public utility vehicle (PUV) kundi sa ilang requirements gaya ng malaking pautang na hindi kayang bayaran ng mga tsuper at operator.

Bukas din daw ang mga transport group na makipagdayalogo sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ani De Luna.

Lumahok din sa tigil-pasada ang ilang tsuper sa Calabarzon, Pampanga, Pangasinan, at Bacolod City.

Sa Baguio City, sa halip na tigil-pasada, nagmartsa ang mga driver at tsuper mula Sunshine Park hanggang sa tanggapan ng lokal na Department of Transportation para ihayag ang pagtutol sa PUV modernization.

Watch more in iWant or TFC.tv

May ibang grupo naman, gaya ng UPKKJODA, ang nakiisa sa transport strike pero kalaunan ay bumalik din sa pamamasada.

Naawa raw sila sa mga pasaherong nakiusap na maihatid sila at kailangan din daw kasi nilang kumita.

Nagbanta rin ang mga transport group na kapag hindi napakinggan ang kanilang mga hinaing, gagawin nilang isang linggo ang kanilang susunod na nationwide transport strike.

Hindi naman lumahok ang grupong Pasang Masda sa tigil-pasada.

Ayon kay Pasang Masda President Roberto "Obet" Martin, matagal nang isyu ang modernisasyon at nagkaroon naman ng sapat na konsultasyon ukol dito.

"Napakahirap sa amin, nagkakaroon tuloy kami ng pagbabanggaan. Nandoon sinasabing ako lang ang anak ng Diyos pero I complied with all the requirements, nakayanan ko," ani Martin.

DI MATAGUMPAY

Pero para kay Celine Pialago, tagapagsalita ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), hindi matagumpay ang ikinasang tigil-pasada ng transport groups.

"Lahat naman ng stranded na pasahero ay ina-assist po natin. Sa ngayon, masyado pang maaga para sabihing successful sila," ani Pialago.

"The government will never allow them to be successful at the first place," dagdag ni Pialago.

Para naman kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra, hindi solusyon ang transport strike dahil nakapeperwisyo ito sa mga pasahero.

Dapat din daw idaan sa tamang pag-uusap ang mga hindi pagkakaintindihan.

Tuloy-tuloy naman ang pagpapatupad sa modernization program dahil makabubuti ito sa mga pasahero, ani Delgra.

Nagbabala rin si Delgra na maaaring kanselahin ang prangkisa ng mga operator na sumali sa tigil-pasada.

Batay kasi sa memorandum circular ng LTFRB, isang pribilehiyo ang pagkakaroon ng prangkisa para makapagserbisyo sa pasahero. -- May ulat nina Apples Jalandoni, Henry Atuelan, at Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.