Kongresista, binatikos dahil sa inasta sa video sa airport security

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2018 05:03 PM | Updated as of Sep 30 2018 08:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inulan ng batikos si ACTS OFW party-list Rep. John Bertiz matapos kumalat sa social media ang video kung saan makikita siya sa paliparan na tila pinagagalitan ang isang security check personnel, at pagkatapos ay hinablot ang ID nito. Ang insidente ay naganap sa security check area kung saan pinag-aalis ng sapatos ang mga pasahero. 

Hapon ng Linggo ay naglabas ng pahayag ang opisina ng mambabatas kung saan siya humingi ng paumanhin. Samantala, nag-iimbestiga na rin ang Department of Transportation. 

Sa viral video, na kuha umano noong umaga ng Sabado sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, mapapanood ang pagdaan ni Bertiz sa isang metal detector. Katabi nito ang isa pang metal detector, kung saan tila nagsusuot naman ng sapatos ang ilang nakadaan na roong pasahero. 

Makikita sa video na tila galit na ipinakita ni Bertiz sa airport personnel ang isang bagay na maaaring isang ID. Matapos ay binalikan niya pa uli ang naturang airport staff at saka hinablot ang ID nito. 

Sa mga kumakalat na social media posts, sinasabi na tumanggi umano si Bertiz na magtanggal ng sapatos sa security check. 

'Na-edit ang video' 

Ayon kay Bertiz, na-edit na ang video na inilabas sa social media at hindi isinama ang pagsita niya sa screening officer na pinadaan lang sa metal detector ang ilang dayuhang nakasapatos din.

"May mga ilang dumaan na tapos 'yong iba escorted, mga Korean, Chinese national na ine-escort-an ng ibang NAIA staff na dere-deretso lang. They submit their bags, cellphone pero 'yong slip-on shoes naman nila, 'di naman sinisita," sabi ni Bertiz sa panayam ng ABS-CBN News.

Iginiit ni Bertiz na sa kabila ng pagkakaroon niya ng NAIA security ID, sumailalim pa rin naman daw siya sa security check.

Hindi rin niya nagustuhan ang basta-basta na lang umanong pagkuha ng mga tauhan sa NAIA ng kopya ng CCTV footage nang wala raw pahintulot ni Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Ed Monreal. 

Pahirapan daw kasi para sa mga awtoridad ang makakuha ng mga CCTV footage sa paliparan at kailangan pa ng pahintulot ng korte.

"Sa dami ng nakakarating sa 'min reports tulad ng OFW (overseas Filipino worker) na nawawalan ng pera tapos 'pag humingi ka ng CCTV footage, it takes a while, na you need a court clearance," ani Bertiz.

"What happened to me, nag-viral and they sliced the video, 'yong gusto lang nila ipakita, but if you will try to review the entire video, you will really see, I didn't have a chance to remove my shoes because sinita ko na siya," anang kongresista.

Paumanhin, imbestigasyon

Sa huli, humingi rin ng paumanhin si Bertiz sa nangyari.

“I offer no excuse. I am sincerely sorry for my actions,” sabi ng mambabatas sa isang pahayag mula sa kanyang opisina. 

Sa isa namang pahayag, sinabi ng Department of Transportation na iniimbestigahan na nila ang insidente.

Ipinaliwanag ni Transportation Undersecretary Arturo Evangelista na may tatlong security conditions sa mga paliparan.

Sa ilalim sa security condition 2, na ipinapatupad sa NAIA, obligado ang lahat ng pasahero na magtanggal ng kanilang sapatos para isailalim sa inspeksiyon.

Ang pangulo lang ang hindi sakop ng panuntunan, ani Evangelista, na administrator din ng Office for Transportation Security.

"Lahat naman ng pasahero talagang dumadaan diyan. In our country, the only one exempted is the president. From VP (vice president) down, hindi exempted diyan sa screening na 'yan," ani Evangelista.

Nag-viral din noong nakaraang linggo si Bertiz matapos magbiro na hindi makukuha ng bagong batch ng mga inhenyero ang kanilang mga lisensiya mula sa Professional Regulatory Commission kung hindi nila kilala si Special Assistant to the President Bong Go, na magbibigay dapat ng talumpati sa oath-taking ceremony. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.