Election period, epektibo na sa Oktubre 1

ABS-CBN News

Posted at Sep 30 2017 03:16 PM

Epektibo na sa Linggo, Oktubre 1, ang election period bilang paghahanda sa gaganaping eleksyon para sa mga posisyong pang-barangay at Sangguniang Kabataan (SK).

Ito ay sa kabila ng pagpapasa ng dalawang kapulungan ng kongreso ng batas na magpapaliban sa nasabing eleksyon na nakatakda sana sa Oktubre 23.

Iniintay pa kasi ng Commission on Elections (Comelec) na mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang panukalang batas bago nila itigil nang tuluyan ang preparasyon para sa eleksyon.

Mananatili naman ang election period hanggang Oktubre 30.

Dagdag pa ng Comelec, ang filing ng certificate of candidacy ay nakatakda sa Oktubre 5-11 habang ang campaign period naman ay magsisimula sa Oktubre 12 hanggang 21. 

Bukod sa gun ban, isa pang bawal gawin sa election period ay ang pagkuha ng mga bodyguard ng mga kandidito na hindi awtorisado ng Comelec. 

Ang listahan ng mga ipinagbabawal sa election period ay matatagpuan sa website ng Comelec. 

Ayon kay Duterte, nais niyang ipagpaliban muli ang eleksyon upang linisin ang hanay ng mga barangay officials na konektado umano sa talamak na pagkalat ng droga. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.