Shabu na nasabat sa NAIA hinihinalang galing sa 'Golden Triangle'

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 02:17 PM | Updated as of Sep 29 2019 05:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hinihinalang galing sa pagawaan ng droga sa isang lugar sa Timog Silangang Asya na kung tawagin ay "Golden Triangle" ang P35 milyong halaga ng shabu na nakumpiska sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, ayon sa isang anti-drug officer.

Ang Golden Triangle ay malawak na pagawaan ng droga na sakop ng Myanmar, Laos at Thailand, ayon kay Gerald Javier ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

"Cambodia is one of the sources considering the fact that it is very near the Golden Triangle. We don't have direct flight so if they cross the border, 'yon ang may direct flight sa atin," ani Javier, deputy commander ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group na humahawak ng mga kaso ng droga sa paliparan.

Natunton noong Sabado ng mga awtoridad sa Moncada, Tarlac ang suspek na si Nazarene Obillo, ang may-ari ng bagahe kung saan nahanap ang shabu sa NAIA Terminal 1.

Dumating noong Sabado si Obillo, 26, sa Pilipinas mula Siem Reap, Cambodia sa pamamagitan ng connecting flight mula Hanoi, Vietnam.

Iniwan ni Obillo ang bagahe sa NAIA matapos magpaalam na magbabanyo matapos dumaan ang bagahe sa X-ray inspection, ayon sa Customs officials. 

Iniimbestigahan ngayon ng PDEA ang mga posibleng kasabwat ni Obillo sa pagpasok ng shabu sa bansa.

Dati nang idinawit ang Golden Triangle bilang pinagmulan ng bilyong pisong halaga ng shabu na nahanap sa Cavite at Ayala Alabang, Muntinlupa nitong taon. —Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.