PMA cadet na namatay sa umano'y hazing, ilang beses na pinahirapan: PNP

Micaella Ilao, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 07:55 PM | Updated as of Sep 29 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

BAGUIO CITY — Idinetalye ng pulisya sa Baguio City ang mga natuklasan nila sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Philippine Military Academy (PMA) cadet 4th class Darwin Dormitorio sa kamay ng kaniyang upperclassmen dahil sa umano'y hazing.

Hindi lang pala isang beses pinahirapan si Dormitorio. Bukod sa pagsuntok, pagsipa, at pagkuryente sa kadete, binalot din ng plastic ang kaniyang ulo at tinali ang kaniyang mga kamay.

"Nag-backtrack po tayo days from August 19 hanggang sa September 17. At meron pa tayong mga insidente na nakukuha po na kung saan meron pang isang kadete na... bumalot sa ulo ni Dormitorio gamit po ang isang makapal na [plastic] kung saan nahirapan pong huminga ang kadete... Nilagay sa mukha ni cadet Dormitorio habang nakatali ang kaniyang kamay sa kanyang ulo," sabi ni Baguio City Police Office director Police Col. Allen Rae Co.

Nilinaw ni Co na wala itong kaugnayan sa araw na namatay si Dormitorio pero patunay ito na hindi lang isang beses pinahirapan ang kadete.

"Itong mga same personalities ay tuloy-tuloy pong ginagawa itong pagmamaltrato kay cadet Dormitorio... Ito po ay ma-establish natin basically na paulit-ulit ginawa kay Dormitorio, we could say na unti-unting nagpapahina kay Dormitorio."

Noong Sabado ay nauna nang ibinahagi ng kapatid ni Dormitorio ang nilalaman ng diary ng pumanaw na kadete. Doon ay sinulat niya ang mga insidente ng pananakit na naranasan niya sa PMA.

Setyembre 18 nang bawian ng buhay si Dormitorio, 20, dahil sa tinamong blunt force trauma na naging sanhi ng internal hemorrhage o pagdurugo sa loob ng katawan.

Sa pag-usad ng imbestigasyon, 7 na ang bilang ng mga suspek na posibleng sampahan ng kasong kriminal kaugnay sa pagkamatay kay Dormitorio.

Bukod sa paglabag sa Anti-Hazing Law, plano rin ng pulisya na magsampa ng reklamong murder. Pinag-aaralan din kung maaaring kasuhan ang mga kadete ng paglabag sa Anti-Torture Act.

Pinaplantsa na rin ng ang pinal na timeline o pagkakasunud-sunod ng mga pagmaltrato kay Dormitorio bago siya namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.