Jeepney transport strike sa Lunes kasado na; ilang lugar nagkansela ng klase

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2019 04:16 PM | Updated as of Sep 30 2019 08:34 AM

MAYNILA — Kasado na ang malawakang tigil-pasada sa Lunes ng mga tsuper ng jeep bilang protesta sa nakaambang jeepney modernization program na gustong ipatupad ng gobyerno.

Lalahok sa transport strike ang mga driver na miyembro ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO). 

Sa panayam sa DZMM nitong Linggo, sinabi ni ACTO president Efren de Luna na aabutin ng higit P2 milyon ang kakailanganin ng mga jeepney driver para mapalitan ang lumang jeep nila. 

"Ang totoo, ire-refer ka [ng gobyerno] sa Landbank pero after ka ma-refer, iiwan ka na doon wala na silang pakialam sayo... Nasa P2.5 million each, sinong magpapautang na bangko na ganyan? Suntok sa buwan ito," giit niya.

Hindi rin umano nagkaroon ng boses ang mga tsuper sa pagbalangkas ng naturang programa.

"Ang naging problema sa ating gobyerno hindi talaga nagkaroon ng consultation... Basta na lang in-implement ang kanilang plano."

Hiling ng ACTO na suspendihin ang modernization program. 

Dahil sa inaasahang epekto ng tigil-pasada ay nagsuspende na ng klase ang mga sumusunod na lungsod at probinsiya: 

LGU ANG BAHALA

Samantala, sinabi ng Department of Education na ipinapaubaya na nila sa mga lokal na pamahalaan ang pagsuspende sa mga klase.

Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar na naka-monitor ang kanilang hanay sa isasagawang transport strike.

Dagdag pa ni Eleazar, may direktiba sa lahat ng police district na ihanda ang mga truck at sasakyan ng mga pulis sakaling kailanganin ng mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-pasada. — May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.