NHA nagbigay ng P10-milyong housing assistance sa Itogon

Michelle Soriano, ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 04:06 PM | Updated as of Sep 29 2018 04:23 PM


ITOGON, Benguet - Nagbigay ng P10 milyong financial assistance ang National Housing Authority (NHA) sa lokal na pamahalaan ng bayang ito para sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyong Ompong.

Ayon kay NHA General Manager Marcelino Escalada Jr., ang lokal na pamahalaan na ng Itogon ang magdedesisyon kung ilan at sino-sino ang maghahati-hati sa financial assistance.

Ipamamahagi ang tulong sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo para magamit sa pagpapaayos ng kanilang mga bahay.

Ayon naman kay Itogon Mayor Victorio Palangdan, hindi na papayagang muling makapagtayo ng bahay sa mga lugar na mapanganib, ayon sa Mines and Geosciences Bureau.

Kasama sa mga mapanganib na lugar ang pitong sitio sa Barangay Ucab at Barangay Loacan dahil pa rin sa banta ng landslide.

Ibibigay pa rin umano sa mga pamilya ang tulong kahit pa sa labas ng Itogon sila magpagawa ng bahay.

Dagdag naman ng NHA, pinaplano na rin ang permanenteng relocation site para sa mga hindi na maaaring bumalik sa kanilang mga tahanan.

Samantala, umabot na sa 60 ang bangkay na nahukay sa ginagawang retrieval operations sa Barangay Ucab.

Isa pang bangkay ang nahukay nitong Sabado ng umaga. Inaalam pa ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng fingerprint matching.

Ayon sa Management of the Dead and Missing Persons ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), imposible nang makilala pa ang mga bangkay base sa body marks dahil nasa state of decomposition na ang mga ito.

Sa pinakahuling tala sa command center, 60 bangkay na ang nahukay at may 10 pang nawawala.

Nagdulot ng mga pagguho ng lupa ang bagyong Ompong, na nanalasa sa hilagang Luzon noong Setyembre 15. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.