Libo-libong pera nakita sa tagong kuwarto sa Manila City Jail

ABS-CBN News

Posted at Sep 29 2018 09:54 AM | Updated as of Sep 29 2018 10:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATED) - Libo-libong pera ang natagpuan ng mga awtoridad sa isang malawakang galugad na isinagawa sa Manila City Jail Sabado.

Umabot sa P790,000 ang perang nakita sa isang tagong kuwarto sa loob ng kulungan.

Nakalagay sa bote ng tubig ang pera.

Ayon kay Jail Senior Officer Jayrex Bustinera, naalarma sila dahil nadiskubre ang pera sa tagong maliit na kuwarto sa likod ng isang pader.

Nakuha rin ng mga awtoridad ang mga patalim gaya ng gunting at bladed na gamit. May mga CD din at mga pinggan at tinidor na bawal sa loob ng kulungan.

Dagdag pa ni Bustinera, mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Manila Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nagkasa ng greyhound operation o "Oplan Linis Piitan."

Layunin ng operasyon na linisin ang kulungan at alisin ang mga ipinagbabawal na mga gamit. Sumama rin sa operasyon ang PDEA dahil sa posibilidad na may ilegal na droga sa loob ng city jail.

Noong nakaraang galugad, ilang mga patalim ang nakuha sa loob ng mga selda. Nakakuha rin ng galon-galon na likidong ginagamit umano sa paggawa ng alak na ipinagbabawal naman sa kulungan.

Target ng operasyon ang dalawang pinakamalaking dormitoryo sa Manila City Jail, kung saan may 1,200 na nakapiit.

Karamihan ng mga bilanggong nasa dalawang dormitoryo ay miyembro ng "Sigue Sigue Sputnik" gang.

-- ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.