Umano'y may-ari ng bagaheng may lamang P35-M halaga ng droga arestado

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 01:37 PM | Updated as of Sep 28 2019 05:37 PM

Arestado ang suspek sa pagpuslit umano ng P35-milyong halaga ng shabu sa isang bagaheng natagpuan sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Sabado. 

Natunton ng pulisya ang suspek na si Nazarene Orbillo sa Tarlac. Nakalagay ang pangalan nito sa bag tag na nakita sa bagahe. 

Nakita umano ito ng isang customs examiner habang nagsasalang ng mga unclaimed na bagahe sa arrival area ng paliparan. 

Nakalagay sa isang kulay brown na suitcase ang aabot sa 5 kilong hinihinalang shabu. May name tag na "Orbillo Nazarene" ang bagahe. 

Nakasilid sa isang plastic container ang droga. 

Ayon sa mga opisyal, galing ang bagahe sa pasahero ng Philippine Airlines flight PR 596 mula Hanoi, Vietnam. 

Agad na itinurn-over ng mga awtoridad ang droga sa Philippine Drug Enforcement Agency. 

Pag-aaralan din ng Customs ang CCTV para makatulong sa imbestigasyon. 

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.