Mga taga-Tublay, Benguet, ginunita ang ika-40 na araw ng pagpanaw ni Gina Lopez

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 12:27 AM

Nagtanim ng higit 300 na puno ang mga residente ng bayan ng Tublay, Benguet alay sa yumaong Gina Lopez, na tumulong sa turismo sa bayan. Kuha ni Dhobie de Guzman, ABS-CBN News

TUBLAY, Benguet - Ginunita ng mga residente ng Tublay, Benguet nitong Biyernes ang pagpanaw ang dating environment secretary na si Gina Lopez.

Ayon sa kanila, desidido sila na ipagpatuloy ang mga proyekto ng dating ABS-CBN Foundation chairperson na malaki ang naitulong sa mga residente at lokal na pamahalaan.

Naga-lay sila ng misa para sa yumaong environmentalist na kilala sa kanyang mga adhikain.

"It was conducted at the base of the balete tree. It is from her that we were taught to embrace the nature. We were inspired everytime kasi na dumaan kami sa balete tree," ani Mayor Armando Lauro ng Tublay. "Parang yung mukha ni ma'am Gina andoon."

Nagtanim din ng higit 300 na puno sa mga barangay ng Tuel at Ambonglodan ang mga residente at opisyal.

Desidido sila, kasama ang pamunuan ng University of the Cordilleras, na ipagpatuloy ang mga nasimulang proyekto ni Lopez sa Tublay.

Sa ilalim ng kanyang Share the Love Foundation, napaganda ang Bayokbok Falls, naayos ang Bengaongao at Paterno Cave, at nagpatayo ng glamping o camping area sa Ambongdolan.

"Ngayon gagawin po natin yan nang naaayon sa ating plano. Ang LGU (local government unit) ngayon prepared sila from planning to organizing, and we will be able to implement, and I'm sure Gina will be very happy," ani Dr. Leonarda Aguinalde, bise presidente ng administrasiyon ng University of Cordilleras.

Balak din umanong gawin nature spa area at mini-village stop-over ang lugar kung saan nakatayo ang puno ng nasabing balete.

May mga itinayo na ding kubo sa lugar.

Sa tulong ng mga proyekto ni Lopez, tumaas ng halos 100 porsyento ang dami ng turista sa Tublay. - Ulat ni Michelle Soriano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.