Korean arestado sa ‘kidnap-me’ modus

Maan Macapagal, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2019 01:13 PM

Arestado ng Visayas Field Unit ng Philippine National Police (PNP) Anti Kidnapping Group (AKG) sa Numancia, Aklan ang isang Korean national na suspek sa “kidnap-me” modus.

Ayon kay Police Maj. Nestor Acebuche ng AKG, unang inakalang kidnap victim si Yoo Jin Won na napaulat na nawawala Biyernes ng gabi.

Ayon sa AKG, sa impormasyong nakuha ng Korean Embassy, nagtatrabaho si Yoon sa Angeles, Pampanga. 

Setyembre 24 nang makatanggap ang pamilya ni Yoon ng mensahe na siya ay kinidnap at humihingi daw ng P250,000 na ransom ang mga kidnapper niya.

Sa imbestigasyon ng AKG, nagsagawa sila ng cyber research sa Facebook account ng Koreano at na-trace ang isang Pinay na kasama nito sa Barangay Camansi Norte, Numancia, Aklan.

Doon na nga natunton si Yoon sa bahay ng isang Florefe Mae Bolido at agad na ni-rescue.

Pero umamin umano ang Koreano na gawa-gawa lang niya ang kidnapping para makahingi ng pera sa kaniyang nanay sa Korea.

Nasa kustodiya na ng AKG Bacolod/Iloilo satellite office ang dayuhan at inihahanda na ang reklamong unjust vexation na isasampa laban sa kaniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.