'Stop and go' scheme ipatutupad sa Skyway, SLEX simula Sabado

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 05:27 PM | Updated as of Sep 28 2018 08:29 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magpapatupad ng "stop and go" scheme sa Skyway at South Luzon Expressway (SLEX) simula Sabado hanggang Nobyembre 22 para bigyang daan ang pagpapatayo sa Circumferential Road 5 (C-5) South Link Expressway.

Sa ilalim ng scheme, mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw, kada-15 minuto magsasara at magbubukas ang mga bahagi ng Skyway at SLEX sa mga motorista.

Magtatalaga naman ng mga traffic aide para tumulong sa mga motorista.

Kapag nakumpleto, pag-uugnayin ng C-5 South Link Expressway ang C-5 at Cavitex.

Nagkakahalaga ng P10 bilyon ang naturang proyekto.

ILANG KALSADA, KUKUMPUNIHIN SA WEEKEND

Samantala, nag-abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ukol sa mga road reblocking at pagkukumpuni sa ilang kalsada sa Metro Manila simula gabi ng Biyernes.

Simula alas-11 ng gabi ng Biyernes kukumpunihin ang mga sumusunod na kalsada:

SOUTHBOUND

  • C-5 Road bago mag-Tiendesitas approach ng C-5 Ortigas Flyover
  • EDSA lagpas ng Eugenio Lopez hanggang bago mag-Scout Borromeo Street (sa tabi ng MRT)

 NORTHBOUND

  • EDSA sa tabi ng Trinoma Mall (ika-6 lane mula sa center island)
  • A.H. Lacson Avenue sa kanto ng Aragon Street at kanto ng P. Florentino Street
  • Batasan Road Congress North Gate at ang tapat ng Quezon City Polytechnic University (ika-3 lane)

Muling bubuksan ang mga apektadong daan sa mga motorista sa Lunes, Oktubre 1, alas-5 ng madaling araw.

Inaabisuhan din ng MMDA ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta.

Magsasagawa din ng pavement restoration (one lane closure) ang Manila Water Co. Inc. sa may kahabaan ng C-5 Road Southbound bago mag-Caltex Gas Station simula alas-10 ng gabi ng Biyernes hanggang alas-4 ng madaling araw ng Lunes, at alas-10 ng gabi ng Oktubre 5 hanggang alas-4 ng madaling araw ng Oktubre 8.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.