'Pagsiksik' sa mga bata sa likod ng sasakyan, inangalan

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 09:19 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nabahala ang Department of Social Welfare ng pamahalaang lokal ng Maynila nang makita ang video ng mga batang estudyanteng na tila isiniksik sa likod ng isang sasakyan.

Sa viral video na kuha ni Dohn Narciso, mapapanood na pinasakay nang nakatayo ang mga bata sa compartment o likod ng isang SUV. Kuha ito sa labas ng isang mall sa Binondo.

"Mukhang may kapabayaan sapagkat kung halimbawa may nangyari, biglang nag-stop ang sasakyan, nag-break, eh di nagbanggaan ang ulo noon, naaksidente," ani Nanet Tanyag, pinuno ng Department of Social Welfare. 

Ayon kay Narciso, mga estudyante ng isang paaralan ang mga bata at ang mga guro nila ang nagsakay sa kanila sa likod ng sasakyan.

Dati umanong nag-aral si Narciso sa paaralan kaya pamilyar sa uniporme ng mga guro at ikinagulat ang nakita.

"Sobrang naawa po. Nakatayo 'yong mga bata, parang sardinas na pinagsiksik," ani Narciso.

Ayon naman kay Tanyag, kung kinakailangang ibiyahe ang mga bata, dapat tiyaking komportable sila, nakaupo sa sasakyan at may suot na seatbelt.

Dapat malinaw din sa mga magulang ang mode o transportation o kung ano ang sasakyang gagamitin sa mga aktibidad sa labas ng paaralan ng mga bata.

Dapat ding may kasamang isa sa mga magulang ng mga estudyante.

"Dapat inireklamo din iyong mga teacher at eskuwelahan para 'di na maulit," ani Tanyag.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kuhanin ang panig ng mga guro at pamunuan ng paaralan pero wala silang klase nitong Biyernes kaya walang humarap para magbigay ng pahayag.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.