LPG, sanhi umano ng pagsabog sa isang resto

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 10:46 AM | Updated as of Sep 28 2018 11:26 AM

Nagkalat ang mga basag na salamin sa sahig matapos ang gas explosion sa Nick's Dream Food Haus sa Iloilo City. Jennifer Garcia, ABS-CBN News

ILOILO CITY (UPDATED) - Tatlo ang sugatan sa pagsabog dulot ng pagsingaw ng LPG sa isang restaurant sa Rizal Street sa lungsod na ito, Biyernes ng umaga.

Kinilala ang mga sugatan na sina Janine Saneo, nagtatrabaho sa food house, at 2 estudyante na sina Blessy Salgado at Nestor Peñol Jr.na napadaan lang sa lugar.

Nasa ospital na ngayon si Saneo habang minor injuries lamang ang natamo ng 2 estudyante.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) na naiwang nakabukas ang LPG tank ng restaurant Huwebes ng gabi.

Kumalat ang fumes nito kaya nang magsindi ang cook para magluto Biyernes ng umaga bigla na lang itong sumabog.

Tinatayang nasa mahigit P100,000 ang halaga ng ari-ariang nasira dahil sa pagsabog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.