Duterte 'umamin' sa EJK; Palasyo dumepensa

ABS-CBN News

Posted at Sep 28 2018 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kaniyang pagkakadawit sa mga kaso ng extrajudicial killing (EJK) bunsod ng kaniyang madugong kampanya kontra droga. Pero agad namang nagbigay-linaw ang tagapagsalita niya. 

“What are your sins? Ako? Sabi ko nga sa military, ano kasalanan ko? Nagnakaw ba ako diyan ni piso? Did I prosecute na pinakulong ko? Ang kasalanan ko lang, 'yung mga extrajudicial killings,” ani Duterte sa kaniyang talumpati noong Huwebes. 

Pero nitong Biyernes, agad-agad pinagtanggol ng Palasyo ang pahayag ni Duterte, at sinabing hindi ito dapat seryosohin. 

"Hindi na naman iyan seryoso ‘no? Sinasabi lang niya iyan kasi nga palaging sinasabi iyan ang ginagawa niya...I don’t think na ang konteksto niyan ay literal," ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Giit pa ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, dapat isaalang-alang ang pinagmulan ni Duterte at ang wikang kaniyang kinasanayan. 

"Ang sinasabi niya lang, iyan lang ang issue niyo sa akin...It's a matter of language. He's a Visayan, he's not a Manileño, he's not Tagalog," ani Panelo sa panayam ng ANC. 

'TAHASANG PAG-AMIN'

Para naman sa mga kritiko, isang tahasang pag-amin ang ginawa ni Duterte at makatutulong daw ito sa isinampa nilang reklamo sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, na kasalukuyang nasa "preliminary examination" stage sa ilalim ni prosecutor Fatou Bensouda.

“Magpadala ako ng formal communication sa ICC, kahit alam natin na ang ICC ay may instant access through media and electronic means to Duterte’s public statement,” ani Atty. Jude Sabio, ang abogadong nagsampa ng reklamong "crimes against humanity" laban kay Duterte. 

Bukod kay Sabio ay may reklamo rin sina Senador Antonio Trillanes at Magdalo Rep. Gary Alejano ukol sa mga pagpatay sa ilalim ng termino ni Duterte bilang pangulo at alkalde noon sa Davao City. 

"Simula kagabi (Huwebes) pinakuha na namin ['yung statement], pina-transcribe na namin, pina-download na namin 'yung video at isa-submit namin ito as soon as ma-prepare na namin 'yung documents," ani Trillanes. 

Binanatan din ni United Nations special rapporteur on extrajudicial executions Agnes Callamard ang Pangulo, na umano'y nagpahirap sa libo-libong pamilya sa bansa. 

"Extraordinary statement by a head of state: my 'only' sin is #EJK. Translation: my only sin is imposing unthinkable sufferings on 1000s of vulnerable families, emboldening corrupt policing, destroying rule of law," pahayag ni Callamard sa kaniyang Twitter account. 

(Isang pambihirang pahayag mula sa pinuno ng estado: ang 'tanging' kasalanan ko lang ay #EJK. Ibig sabihin: Ang tanging kasalanan ko ay ang lubos na pagpapahirap sa libo-libong mahihirap na pamilya, pagwasak sa matinong pamumulis, at paninira sa batas.)

Sa isang pahayag din, sinabi ng grupong Human Rights Watch na ang "pag-amin" ni Duterte ay makapagpapabilis ng mga kaso niya sa ICC.

"[His admission] should prod the International Criminal Court to speed up its consideration of the cases filed against him for the killing of thousands of Filipinos," anila. 

Inaabangan ngayon ang magiging pahayag ng ICC na kasalukuyan ding abala sa reklamo laban sa pangulo ng Venezuela na si Nicolas Maduro na katulad ni Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity.

—Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.