Mga nakatira sa paligid ng ire-rehab na San Juan river takot mapaalis

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 08:20 PM

Planong unahin ng Department of Environment and Natural Resources ang paggiba ng mga tahanan ng informal settlers na nakatira sa paligid ng San Juan City River bago simulan ang rehabilitasyon sa naturang ilog.

Inalmahan ito ng ilang informal settlers sa pangambang wala silang matitirhan.

Aalisin ang mga bahay na nakadikit sa pampang ng ilog, maging ang basurang palutang-lutang dito.

Sakop ng ilog ang ilang bahagi ng Quezon City, San Juan, Mandaluyong at Maynila.

Sa Del Pan, Maynila namamalagi ang karamihan sa mga informal settlers, ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu.

"Nag-deteriorate iyong mga rivers natin because of these uncollected garbage. Pagdaan namin kahapon, bumubula na (yung tubig), itim na 'yong kulay na lumalabas eh," ani Cimatu.

Target nila na simulan ang paglilipat sa mga informal settlers ngayong taon.

Dalawang kompanya ang nangakong tutulong sa rehabilitasyon. Ang DENR naman ang maglilinis ng lugar at magtatanggal ng basura rito.

Humingi rin ng P25.492 bilyong budget ang DENR sa Senado para masimulan ang proyekto.

Kabilang sa mga maapektuhan ang pamilya ni Shirley Agreepo na nangangamba kung saan titira kapag sinimulan na ang demolisyon ng mga bahay.

"Saan naman kami pupunta? Diyan kami sa kalye. Wala namang sinabi sa amin kung saan kami ilalagay," aniya.

Sa ibabaw naman ng tulay lumipat ang mag-asawang Shirley at Darwin Tan habang wala pang malipatang lugar.

Ayon naman sa DENR, hinihintay nila ang ulat ng National Housing Authority kung ilan ang maaapektuhang pamilya sa demolisyon at kung saan ililipat ang mga ito.

-- Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.