Kagawad sa Pampanga, patay sa engkuwentro; baril at droga, nasamsam

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 12:36 AM

Nauwi sa engkuwentro ang ikinasang entrapment operation ng First Pampanga Mobile Force Company at ng Lubao Municipal Police Station sa isang barangay kagawad sa Betis sa bayan ng Guagua sa Pampanga Martes ng gabi.

Target ng operasyon ang kagawad na si alyas "Uga." Ayon sa pulisya, bumunot ito ng baril matapos malaman na pulis ng kaniyang katransaksyon.

"Pinaputukan niya 'yung pulis natin, although pasalamat tayo naka-vest naman dito sa tiyan, tumumba 'yung pulis natin, 'yung backup yung nagretaliate," paliwanag ni PLt. Col. Michael Masangkay.

Naitakbo sa ospital ang suspek pero binawian din ng buhay.

Nakuha sa crime scene ang 2 baril, mga bala at basyo ng bala, at isang pouch na may lamang 49 sachet ng hinihinalang shabu.

Dagdag pa ng pulisya, bukod sa pagbebenta ng baril, sangkot din si Uga sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.

Kinondena ng alkalde ng Guagua ang pagkakasangkot ng mga opisyal ng barangay sa ilegal na gawain.

"Nakakalungkot, of course, kasama natin silang nanunungkulan, all the while hindi natin alam may mga activities pala silang 'di kanais-nais, so sana man lang sa ating mga namumuno sa bayan, sana 'yung totoong pagsisilbi, hindi 'yung may mga dubious transactions ka," pahayag ni Mayor Dante Torres.

Plano ngayon ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng drug test para malaman kung sino sa mga opisyal ang sangkot sa paggamit ng ilegal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.