8 Vietnamese poachers tiklo sa panghuhuli ng pating sa Sulu Sea

Rex Ruta, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 06:06 PM

Dumating sa Puerto Princesa Port Authority Biyernes ng umaga ang BRP Sindangan kasabay ang isang fishing vessel na lulan ang walong Vietnamese na mangingisdang nahuling nangingisda sa Sulu Sea o 38-40 nautical miles ng Barangay Mangsee, Balabac.

Ayon sa Philippine Coast Guard, nakatanggap sila ng impormasyong may mga foreign vessel na nakapasok sa teritoryo ng bansa na walang kaukulang dokumento.

Sinubukan pa umanong tumakas ng mga dayuhan nang sila ay sitahin.

Nang masakote, tumambad ang mga pinatuyong pating sa loob ng kanilang bangka. Idadaan pa ito sa imbentaryo para matukoy ang iba pang species ng isdang kanilang huli.

“May mga fresh silang pating na ipinangtapon sa dagat habang nakikipaghabulan sa barko namin. Pero may mga fins at yung laman ng isda na ipinatuyo nila na magagamit nating ebidensiya,” sabi ni Lt. Commander Christian Jazmin, tagapagsalita ng PGC-Palawan.

Kinausap rin ng official interpreter ng Naval Forces West ang Vietnamese poachers. Kuwento nila, hindi raw nila namalayang nasa karagatan na sila ng Pilipinas. Giit nilang ang mga huling pating ay galing din sa Vietnam.

Magpapatuloy naman ang PCG sa kanilang pagpapatrolya para masigurong hindi madedehado ang mga mangingisdang Pilipino.

Dumaan din sa medical check-up ang mga Vietnamese na pansamantalang ilalagay sa kustodiya ng PCG.

Idadaan rin sa inquest proceedings ang mga Vietnamese na mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9147 o Wildlife Act at illegal entry.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.