3 lasing na sundalo arestado matapos umanong magpaputok ng baril

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 11:14 AM

ZAMBOANGA CITY—Arestado ang 3 sundalo matapos umano silang magpaputok ng baril sa loob ng isang restobar sa Paseo del Mar, Zamboanga City, Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala sila na sina sergeants Leonel Espartero at Brylle Reyes at Capt. Adrian Fernando na pawang nakadestino sa Engineering Brigade ng Philippine Army.

Ayon kay Police Lt. Carmen Saquilon ng Police Station 11, bigla umanong nagpaputok ng baril si Espartero habang binabayaran ang kanilang bill. Wala naman umanong nakaaway ang 3 sundalo.

Agad umalis sa establisimyento ang 3 sundalo sakay ng 2 motorsiklo. Binantaan pa umano nila ang isang guwardiya ng Paseo del Mar na pinigilan silang umalis.

Pagkatapos, hinabol ng mga pulis ang mga sundalo, kung saan naaksidente si Espartero sa harapan ng isang pribadong paaralan.

Sumemplang ang kaniyang minamanehong motorsiklo at tumama ang kaniyang ulo sa semento.

Dito na sila inabutan ng mga pulis at kinumpiska ang kanilang mga dalang baril.

Kuwento ni Fernando, si Espartero ang nagpaputok ng baril. Hindi na umano nila ito napigilan dahil sa kalasingan.

Dinala sa ospital si Espartero habang sa kulungan ang bagsak nina Fernando at Reyes.

Inihahanda na ng pulisya ang mga kasong isasampa laban sa kanila, na posible ring mahaharap sa mga kasong administratibo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.