OFW na nawalan ng trabaho, nabaril matapos manaksak

ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2018 07:08 PM | Updated as of Sep 27 2018 10:05 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Napatay ang isang overseas Filipino worker (OFW) hapon ng Miyerkoles matapos barilin ng mga security personnel nang mapatay niya sa saksak ang dating amo at katrabaho, ayon sa Department of Foreign Affairs. 

Ayon sa ilang ulat hindi umano matanggap ng Pinoy ang pagkakatanggal sa kaniya ng pinagtatrabahuan kaya nagwala ito at pinagtataga ang kaniyang amo na Saudi national, at katrabahong Pakistani.

"Apparently nakatanggap ng termination notice ang ating kababayan, and because of that nagkaroon ng argument at nauwi sa saksakan," ani Philippine Consulate General to Jeddah Edgar Badajos. 

Sinubukan pang awatin ng lima pang katrabaho ang OFW pero pinagsasaksak rin ng OFW ang mga ito. 

Sa ulat naman ng “Saudi Gazette," sinabing gumamit ng fire extinguisher ang OFW para harangan ang iba pang umaawat sa girian bago pumagitan ang mga security personnel at bumaril sa Pinoy. 

Ani Badajos, nagpadala ang DFA ng team sa Saudi Arabia para tumulong sa pagpapauwi ng labi ng OFW sa Pilipinas. 

Nagpapagaling naman sa isang ospital ang limang katrabaho, kabilang ang isang kapwa Pinoy na nagtangkang pumigil sa OFW.

Kasalukuyang nararanasan sa Middle East ang tanggalan ng trabaho kaya payo ni Badajos na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan. 

-- May ulat ni Charles Tabbu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.