QC official na bumasag ng bintana ng kotse sa clearing ops kinasuhan, nag-sorry

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:34 PM | Updated as of Sep 26 2019 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagsampa na ng kaso ang isang motorista laban kay Quezon City traffic czar Ariel Inton matapos basagin umano ng opisyal ang bintana ng nakaparada nitong sasakyan.

Nakunan ng video si Inton nang basagin ang salamin ng kotseng nakaparada sa harap ng isang condo unit sa Timog Ave.

Nagsasagawa sina Inton, na hepe ng Traffic and Transport Management Unit ng road clearing operations nang mangyari ang insidente.

Kuwento ng may-ari ng kotse, iniwan niya ang sasakyan sa lugar. Pero laking gulat na lang niya nang mawala ang kotse rito.

Nalaman na lang ng may-ari na kinuha ang kaniyang sasakyan nang ma-upload ang video ni Inton na binabasag ang bintana ng sasakyan online.

May kahulugan din ang kotse para sa may-ari.

"Bagong kasal pa lang kami nang mabili ko yan... Pinaghirapan at pinagtrabahuhan ko yan eh," ayon sa may-ari.

Tingin ng may-ari na inakalang luma ang kaniyang sasakyan.

"Hindi ko maintindihan kung bakit winasak pa eh... Sana tinow na lang, 'yung katabing van tinow bakit yung sakin sinira? I feel singled out dahil baka ang pag iisip nila luma na kasi sasakyan ko... Wala pa rin silang karapatan na gawin yun," ayon sa motorista.

Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Inton na inaako niya ang pagkakamali at umaming nasobrahan sa pagbasag ng salamin ng kotse. Humingi na rin daw ng paumanhin si Inton sa may-ari ng kotse.

"Iyong pagbasag, I must admit I overdid it and I apologize. Iyong pagkakataon na iyon e ika nga, was a call of judgement. Might be wrong, but really, pasensya na po, na-overdid ko lang po iyun," aniya sa radyo DZMM.

"Minsan kahit na kontrolado mo, naki-carry away pa rin tayo... I really apologize, I learned this mistake. We will refine this kasi ayaw ko naman iyong operation namin magkaroon ng lamat dahil sa pagkakamaling ito. I take the blame for this," dagdag niya.

Hindi pa tinatanggap ng may-ari ng kotse ang pag-sorry ni Inton at nanindigang kailangan managot ang opisyal.

Giit ni Inton, naka-illegal park ang sasakyan at matagal umano itong nakatengga roon kaya sinubukan itong alisin.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, iimbestigahan nila ang nangyari. Hindi raw kasi iyon ang protocol sa pag-aalis ng mga sasakyan.

"Hindi ganiyan ang pinatutupad namin sa clearing ops kaya I will review the guidelines at ipapaalam sa lahat ng involved kung ano ang tamang pag enforce ng aming laws," ani Belmonte.

Planong mag-leave ni Inton simula Lunes, Setyembre 30 at palilipasin muna ang Setyembre 29 na deadline ng Department of the Interior and Local Government sa pag-aalis ng mga obstruction sa kalsada.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.