Prangkisa ng mga PUV operator na nag-strike noong 2017, kinansela

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 08:48 PM

Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sana ay isipin ng mga operator at drayber ang kanilang mga pasahero bago nagprotesta. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA - Kinansela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng 20 PUV operators at drivers na sumali sa transport strike na pinangunahan ng grupong Piston noong 2017.

Sa isang pahayag, sinabi ni LTFRB chairman Martin Delgra na batay sa Memorandum Circular No. 2011-004, pagsasawalang bahala sa prangkisa ang paglahok sa anumang klaseng protestang makaaabala sa mga pasahero.

"Lumabag sila noon, harapin nila ang kinahinatnan ngayon. Hindi kami mangingiming ipatupad ang kautusang ito dahil hindi isinaalang-alang ng mga nagtigil pasada ang kapakanan ng mga pasahero. Ang laki ng aberyang dinulot nito sa publiko," ani Delgra.

Ayon naman kay Transportation Secretary Arthur Tugade, sana ay inisip ng mga operator at drayber ang kanilang mga pasahero.

"Ang prangkisa, pribilehiyo 'yan at hindi karapatan. Nakasaad sa pribilehiyong 'yan ang responsibilidad ng operator na bigyan ng komportableng biyahe ang kaniyang pasahero. Kung magtitigil pasada sila, sino'ng kawawa? Pasahero. Sana maisip nila 'yon," aniya.

Inatasan ni Tugade ang LTFRB na panagutin ang mga lalahok sa transport strike ng Piston at ACTO sa Lunes.

Pagtitiyak ng ahensya, may nakaantabay na contingency plan upang maibsan ang epekto ng naturang kilos-protesta.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.