Doktor na wanted sa kasong cybercrime, sumuko sa Maguindanao

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2019 06:07 AM

Arianne Apatan, ABS-CBN News

MAGUINDANAO—Sumuko sa mga pulis sa bayan ng Parang, Maguindanao nitong Miyerkoles ang isang doktor na wanted sa kasong cybercrime.

Nahaharap si Dr. Chao-Tiao Yumol sa warrant of arrest para sa 26 counts ng kasong cybercrime na inihain ng Zamboanga City Regional Trial Court (RTC) Branch 12.

Si Yumol ay isang doktor na nakabase sa Lamitan City, Basilan.

Kuwento niya, inilantad niya noong Hulyo ang umano'y pagkakasangkot ng mag-asawang sina Lamitan City mayor Rose Furigay at vice mayor Roderick Furigay sa ilegal na droga at korupsiyon.

"Mayroon akong evidences. I have witnesses and mayroon din akong hawak na PDEA [Philippine Drug Enforcement Agency] report that vice mayor Furigay is listed in the level 3 high-value target of PDEA," aniya.

"Sa corruption issues... nagpatayo ng 2-storey hospital worth P30 million. Tatlong beses pinondohan pero hindi gumagana. Walang mga pasyente ang nakakagamit," dagdag ni Yumol.

Pinasungalingan naman ng kampo ng mga Furigay ang mga alegasyon ni Yumol.

Nag-ugat umano ang pambabatikos ng doktor nang magkaroon ng cease and desist order ang klinika nito sa Lamitan City.

"Lahat ng 'yan lies... hindi rin totoo na kasama sila sa drug watch list," ani Atty. Quirino Esguerra, abogado ng mag-asawang Furigay.

Nakatakda pa umanong maghain ng reklamo ang mag-asawang Furigay at 5 iba pa laban kay Yumol.

Balak din nilang maghain ng reklamo sa Professional Regulation Commission (PRC) laban sa doktor.—Ulat ni Arianne Apatan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.