Pagawaan ng mga 'pekeng' dokumento sa Cotabato sinalakay; 4 timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 05:50 PM

Huli sa isang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ang apat na lalaki na sangkot umano sa pamemeke ng mga dokumento at mga ID sa Cotabato City.

Ikinasa ang operasyon tanghali ng Martes matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad kaugnay sa isang establisimyento na umano'y namemeke ng government documents at iba pa.

Sa isang puwesto sa Barangay Kalanganan Uno nahuli ang apat na lalaki.

Pero depensa ng mga nahuli ay hindi umano sila ang may-ari ng negosyo. 

Ayon sa NBI, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pamemeke ng mga dokumento, pribado man o public documents.

Nakakulong na ngayon sa NBI detention cell ang apat at mahaharap sa kasong falsification of documents.

Payo naman ng NBI, dumaan na lang sa tamang proseso dahil kapag nahuling peke ang hawak na dokumento at IDs, may katumbas din itong karampatang kaso.

—Ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.