Lalaking may 80 counts ng rape, timbog

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2018 08:07 PM

Arestado sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang lalaking dawit sa mga brutal na kaso ng panggagahasa sa mga bata. Ang isa sa kanila, nahaharap sa 80 counts ng rape, at 40 counts ng sexual harassment. 

Timbog nitong Sabado ang suspek sa kanya mismong tanggapan sa BGC. Nahaharap siya sa napakaraming kaso ng panggagahasa at panghahalay dahil sa mga ginawa niya umano sa loob ng 3 taon sa dalagitang kapatid ng kaniyang live-in partner. 

"Parang ginawa niyang sex slave sa loob ng tatlong taon 'yung bata. Na 'yung bata ay kapatid ng kanyang live-in partner,” ani Makati police chief Superintendent Rogelio Simon tungkol sa biktima na sinimulan umanong gahasain nang ito ay 9 taon pa lang. 

Arestado rin ang ikapitong most wanted ng Makati, na natunton sa isang kainan sa Bulacan.

Higit isang taon na itong nagtatago at wanted sa panggagahasa sa kaniyang 2 taon gulang na pamangkin. 

Pinasukan din umano ng barbecue stick ang ari ng biktima. 

Ayon kay Simon, naaktuhan pa umano ng 5 taon gulang kapatid ng biktima na ginagawa ng suspek ang krimen. 

Nagulat din sina PNP chief Director General Oscar Albayalde at National Capital Region Police Office chief Guillermo Eleazar kung paano nagawa ng mga suspek ang krimen. 

"Hindi mo maintindihan kung bakit may mga nangyayari na ganyan, na may tao gagawa ng ganyan. It's beyond your imagination," ani Albayalde. 

Tumanggi ang dalawang suspek sa mga krimen. 

"Drug test, sir, kahit lie detector ngayon mismo payag ako," sabi ng isa. 

Payo naman ni Eleazar na maging mapagmatyag sa mga ganitong kaso. 

"Lagi tayong dapat maging mapagmatiyag, lalo na 'yung mga anak natin maliliit pa... Dahil hindi na tayo nakakasiguro sa mga nangyayari ngayon," aniya. 

Posibleng maharap sa habambuhay na pagkakakulong ang mga suspek.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.