Pagkamatay ng candidate soldier isolated case ayon sa Army

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 05:24 PM

Kidney failure umano ang ikinamatay ni candidate soldier Jhun Rey Estabaya na may ilang beses na din na-confine sa ospital matapos mag-collapse sa training. Larawan mula sa 9th Infantry Battalion, Philippine Army


PILI, Camarines Sur - Isang candidate soldier (CS) ang namatay sa pribadong ospital sa Naga City nitong Martes dahil umano sa kidney failure.

Kinilala itong si CS Jhun Rey Estabaya na bahagi ng Class 758-19 at sumasailalim sa training sa Camp Elias Angeles ng 9th Infantry Division ng Philippine Army.

“Na-confine nung (September) 23 si CS Jhun Rey Estabaya ng Gubat, Sorsogon gawa nang mayroon siyang kino-complain. Immediately pinadala siya sa Naga Imaging Center Cooperative Doctors Hospital. Nung 24, alas-10, nag-expire siya” ayon kay Maj. Ricky Aguilar, tagapagsalita ng 9th ID.

Nilinaw din ni Aguilar na isolated ang kaso ni Estabaya sa kabila ng mainit na isyu ngayon ng hazing sa Philippine Military Academy.

“Ito pong nangyari sa kaniya ay purely sa medical condition niya. Walang nakikitang ibang reasons,” sabi ni Aguilar.

Batay sa report ng Philippine Army sa Bicol, may mga insidente na umano ng pagkaka-ospital si Estabaya.

Una ay noong Setyembre 6, nang nag-collapse ito habang nasa platoon run. Heat stroke ang naunang findings, ayon kay Aguilar. Nag-collapse ulit si Estabaya noong Setyembre 15 habang nasa company run at na-confine sa loob ng tatlong araw. Panghuling insidente ay nitong Setyembre 23 kung saan namatay siya.

“Cause ng kaniyang death ay kidney failure. Nangyayari naman kasi 'yan sa mga training natin dito na since very rigid nga ‘yung activity nila. Lalo na ngayon na may gapang-gapang na sa phase ng training so may mga sakit na lumalabas," Aguilar said. 

"And also 'yung physical and medical examination na ibinibigay sa kanila bago mag-start 'yung kanilang training is ‘di naman ganun ka-rigid talaga, kaya mayroon mga sigurong hindi nafa-find out. Maaring nakalusot siya sa test na ‘yun,” sabi ni Aguilar.

Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Pili, Camarines Sur Police Station at posible din na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ni Estabaya para malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.

Samantala, handa naman magbigay ng pinansyal na tulong ang army sa naiwang pamilya ni Estabaya.

Nakatakdang magtapos sana sa training si Estabaya ngayong buwan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.