Lalaking inaakusahang pumatay sa kinakasama sa Maynila, sumuko na

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 12:37 AM | Updated as of Sep 25 2019 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (2nd UPDATE)—Sumuko Martes ng gabi ang lalaking inaakusahang pumatay sa kaniyang kinakasama sa Tondo, Maynila.

Kay Manila City Mayor Isko Moreno mismo sumuko ang suspek na si Eric Capulong na pinuntahan pa ng alkalde sa Bacoor City, Cavite.

Mapayapang sumuko si Capulong sa tulong na rin ng mga kamag-anak nito.

Kuwento ng alkalde, nakatanggap sila ng tawag pasado alas-8 ng gabi na gusto nang sumuko ng suspek.

"Sabi niya sa akin, 'Nagsisisi siya. Nabigla lang daw siya,'" ani Moreno.

Martes ng madaling-araw nang matagpuang patay sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila ang biktimang si Connie Romero, empleyado ng Manila City Hall.

Pinukpok umano ni Capulong si Romero ng martilyo hanggang sa mapatay. Selos ang tinitingnang motibo sa pamamaslang.

Aminado naman ang suspek sa ginawang krimen.

"May nakita po kasi ako sa cellphone niya... Picture po niya ta's nasa likod niya po 'yung lalaki," aniya.

Dagdag ni Capulong, lagi na umano siyang inaaway ni Romero.

"Kahit maliit na bagay, big deal na sa kaniya," aniya.

Kuwento naman ng kapatid ng biktima na si Margarette, gusto na umano ni Romero na makipaghiwalay sa suspek, pero binantaan umano siya nito.

"Sabi ng lalaki, 2 lang 'yan. Magpapakamatay ako o ikaw ang papatayin ko," aniya.

Bahagya namang naibsan ang pagdadalamhati ng pamilya ng biktima dahil sa pagsuko ni Capulong.

"Buti naman po at nakonsensiya ka at sumuko ka kahit papaano," ani Nicole Romero, anak ng biktima.

Dagdag niya, "Gusto kong sabihin sa lahat ng mag-asawa, huwag idaan sa galit o emosyon ang isang bagay... Oo, kahit nahuli na siya, hindi na po mababalik ang buhay ng nanay ko."—May ulat nina Jeffrey Hernaez at Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.