Holdaper umano, napatay ng pulis sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 04:13 AM | Updated as of Sep 25 2019 06:44 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Patay ang isang hinihinalang holdaper matapos barilin ng isang pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita sa Caloocan City Lunes ng gabi.

Nahuli rin ang kasamahan ng suspek habang nakatakas ang isa pa.

Ayon kay Caloocan City police chief Noel Flores, nagsasagawa ng Oplan Sita sina police corporals Philip Tizon at Mark Jefferson Lopez sa A. Mabini St. corner Guido 4.

Sinita nila ang 3 lalaki na sakay ng isang motorsiklo at pinababa sa sasakyan.

Kuwento ni Tizon, kakapkapan na sana niya ang mga lalaki nang sumigaw ang isa na, "Tirahin niyo na."

Bumunot ng baril ang suspek pero nabaril siya agad ni Tizon, kita sa closed-circuit television (CCTV) camera footage ng Barangay 33.

Isinugod sa ospital ang suspek pero binawian din ito ng buhay.

"Nakita ko 'yung baril na inangat niya talaga. Kaya lang siguro mas mabilis akong bumunot sa kaniya kaya 'yun ang nangyari," ani Tizon.

Ayon kay Flores, napag-alaman nilang papunta umano ang mga suspek sa Maynila para mangholdap.

Nakuha sa mga suspek ang isang baril at motorsiklo.—Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.