7 miyembro ng dragon boat team nalunod sa gitna ng ensayo sa Boracay

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 03:38 PM | Updated as of Sep 25 2019 09:18 PM

Nauwi sa trahedya ang ensayo ng Boracay Dragon Boat Team nang lumubog ang bangka nila. Larawan mula sa Philippine Coast Guard-Aklan

MAYNILA (2nd UPDATE) - Pitong miyembro ng Boracay Dragon Boat Team ang namatay sa pagkalunod matapos lumubog ang kanilang bangka sa karagatan ng Boracay nitong Miyerkoles.

Tatlo sa mga namatay ang babae habang 4 ang lalaki. Ligtas naman ang 14 nilang kasamahan, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Nasira umano ng malaking alon at malakas na hangin ang bangka ng dragon boat team.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ng survivor na si Edward Paragas, biglang lumakas ang alon habang nag-eensayo sila. Aabot umano sa 200 metro ang layo ng bangka nila sa baybayin.

"A mile away malapit kami sa when we were in the shallow reef, biglang lumakas yung alon, so 'yun na pumasok na sa bangka namin ang tubig, sabi ko sa teamates ko, huwag silang mag panic," ani Paragas.

Ayon sa PCG, nakahawak pa sa bangka ang mga sakay nang tamaan muli ng alon, dahilan para matanggal ang ilan sa kinakapitan nila.

Sinubukan din ng ilan na lumangoy patungo sa baybayin.

Agad namang may nakakita sa kanilang mga nakasakay sa dalawang pumpboat na bumabaybay sa dagat.

Nag-eensayo ang Boracay Dragon Boat Team sa papalapit nilang international competition sa Taiwan sa Nobyembre nang mangyari ang insidente.

Ayon sa PCG, hindi umano nakipag-ugnayan sa kanila ang mga biktima bago magsagawa ng training.

Pero depensa ng team manager, napili nilang mag-ensayo ngayong Miyerkoles dahil maganda ang panahon.

Sa isang pahayag nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine Dragon Boat Federation sa mga naulilang pamilya at kaibigan ng mga biktima.

“The Philippine Dragon Boat Federation (PDBF), along with its club team members, joins the Boracay dragon boat community in praying for the eternal repose of the souls of the departed dragon boat paddlers and for the immediate recuperation of those injured in the dragon boat accident this morning," anila.

Nangako naman ang Philippine Olympic Committee na magpapaabot ng financial assistance sa pamilya ng mga biktima.

 “This is a very sad, and tragic incident. All we can do is condole with the families and loved ones of the deceased and try and give some help to them," ani POC president Abraham Tolentino matapos ang POC general assembly na naganap sa Conrad Hotel sa Pasay City.

Sinabi ni Tolentino na makikipag-ugnayan ang POC sa mga namatayan para magpaabot ng P10,000 kada biktima. Magdadagdag din ang POC president ng P10,000 pa bilang personal na donasyon.

Magsasagawa rin ng stress debriefing ang lokal na pamahalaan para sa mga biktima.

Nagpaalala ang PCG na kailangang makipag-ugnayan sa kanila bago magsagawa ng aktibidad para sa mas mabilis na pagresponde sa panahon ng sakuna.

—Ulat nina Johnson Manabat at Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.