4 puganteng Chinese tiklo sa Pasay, Taguig

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2019 01:06 PM

MANILA — Naaresto ang 4 na puganteng Chinese sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Taguig City, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Miyerkoles. 

Hinarang ng mga awtoridad ang kararating pa lang na si Liang Yang sa Ninoy Aquino International Airport nitong Setyembre 13 dahil sa kasong forgery sa China, ayon kay BI Port Operations chief Grifton Medina. 

Agad din aniyang isinakay sa flight pabalik ng China si Liang na nahaharap sa arrest warrant mula sa municipal public security bureau ng Qinhuangdao City, Hebei province. 
 
Samantala, naaresto naman ang 3 pang Chinese na may kasong kidnapping at obstruction of justice sa isang high-rise building sa Bonifacio Global City sa Taguig nitong Lunes, ayon kay BI Acting Intelligence Chief Fortunato Manahan Jr. 

Dinakip aniya sina Shi Chun Tan, Cai Rong Li at Li Shao Bai sa bisa ng mission order na inilabas ng ahensya sa hiling ng Chinese government. 

Kanselado na ang pasaporte ng 3 dayuhang ilalagay sa blacklist upang hindi na makabalik sa Pilipinas, dagdag ni Manahan. 

-- May ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.