Trillanes pinaaaresto ng korte dahil sa kasong rebelyon

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 02:25 PM | Updated as of Sep 25 2018 02:51 PM

Naglabas ng utos nitong Martes ang Makati Regional Trial Court (RTC) Branch 150 na hulihin si Senador Antonio Trillanes IV dahil sa kasong rebelyon.

Sa parehong kautusan, nag-isyu rin ng hold departure order si Judge Elmo Alameda laban kay Trillanes. 

Pinapayagan ng korte si Trillanes na magpiyansa sa halagang P200,000.

Binuhay ng Department of Justice (DOJ) ang kasong rebelyon matapos ipawalangbisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnesty na ipinagkaloob sa senador noong 2011.

Lunes naging hinog para sa resolusyon ang urgent motion ng DOJ matapos ipasa ni Trillanes ang kaniyang rejoinder statement.

WALANG BISANG AMNESTY

Setyembre 4 nang maisapubliko ang pagpapawalangbisa ni Duterte sa amnestiya ni Trillanes.

Katuwiran ng proklamasyon ni Duterte ay hindi umano naghain ng official amnesty application form at hindi umamin ng kasalanan si Trillanes kaya sa simula pa lang ay wala nang bisa ang amnestiyang ipinagkaloob dito ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Para sa DOJ, dahil wala nang bisa ang amnesty kaya puwede na muling umusad ang mga naunang kaso ni Trillanes dahil sa 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula incident. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.