Mga Pinoy seafarer sa Europa, nangangambang mawalan ng trabaho

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 09:06 PM | Updated as of Sep 25 2018 09:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Daan-daan libong Pinoy seaman na nakadestino sa Europa ang nangangambang mawalan ng trabaho dahil nakabinbin pa rin ang Pilipinas sa mga pamantayan ng European Maritime Safety Agency (EMSA). 

Bukod pa rito, dumarami ang mga seaman na nakaistambay at hindi na makasakay muli ng barko. Maging ang mga kapitan ng barko tulad ni Angelito Site, halos limang buwan nang hindi makasakay. 

“First time na nahihirapan ako sumakay...Bumalik noong panahon ni Marcos pero mas matindi pa ngayon,” aniya. 

Si Edgardo Tabaranza naman, pitong buwan nang nag-aantay ng trabaho at aminadong hirap pakainin ang pamilya dahil walang mapagkuhanan ng kita. 

“Ang bigayan mura, mabababa, halos hindi mapakain ang pamilya sa sobrang baba,” aniya. 

Noong 2016, hindi nakapasa ang Pilipinas sa mga pamantayan ng EMSA. Kapag bumagsak muli sila sa auditing na gagawin sa Oktubre, nanganganib na mawalan ng trabaho ang mga seaman sa Europa. 

“Kung sakali man magkaroon tayo ng deficiencies it affects the credibility, integrity ng mga lisensiya and certificates na binibigay natin sa ating mga seafarers” paliwanag ni Maritime Industry Authority (MARINA) administrator Rey Leonardo Guererro. 

Ang MARINA ang ahensiya ng gobyerno na humahawak sa maritime industry ng bansa. 

Noong Marso 2017, sinabi ng EMSA na mayroon pang 59 aspeto na hindi nasusunod ang Pilipinas sa mga kinakailangang pamantayan.

Kaya tingin ng Associated Seaman Organization (ASO) na hindi epektibo ang mga nakaupo sa MARINA kaya hindi makapasa-pasa sa pamantayan ng EMSA. 

“Palitan sila agad. 'Yung mga marurunong,” ani ASO president Nelson Babatid

Kabilang umano sa mga hindi nasunod noon ng Pilipinas ay ang international standards sa quality management at ang kalidad ng training ng mga maritime school sa bansa, na paiimbestigahan ng MARINA.

"Some schools are not really compliant and we will be taking actions against this institutions," ani Guererro.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.