Hirit na umento sa sahod sa NCR 'malapit' nang desisyunan: Bello

ABS-CBN News

Posted at Sep 25 2018 07:26 PM | Updated as of Sep 25 2018 08:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Malapit nang maglabas ng desisyon ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board–National Capital Region (RTWPB-NCR) hinggil sa petisyon para sa minimum wage adjustment ng mga manggagawa sa Metro Manila, ayon kay Department of Labor and Employment secretary Silvestre Bello III.

Sa pagtataya ni Bello, hindi bababa sa P20 ang magiging dagdag sa minimum wage ng mga manggagawa sa NCR. 

"It will not be less than P20. Pag masyado mababa baka hindi naman maramdaman," ayon sa kalihim.
    
Nitong Agosto, pumalo sa 6.4 porsiyento ang inflation o ang bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa bansa. 

Kaya sa computation ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), ang halaga ng P512 minimum wage sa Metro Manila ay lumagapak na sa P287 dahil sa galaw ng presyo ng mga bilihin.

Dahil dito, dismayado ang mga labor group kung sakaling nasa P20 lang ang magiging umento. 
    
Ayon sa ALU-TUCP, lalo lang magagalit ang mga manggagawa sa wage board kung P20 lang din ang itataas nito sa minimum wage, lalo't P320 ang umentong kanilang hiningi sa kanilang petisyon.

Pero babala ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), makasasama rin sa mga manggagawa at mga konsumer kung pipilitin ang mga negosyante na magbigay ng "excessive" o masyadong malaking umento.

"Employers may be forced to lay off or pass on cost to goods and services," babala ni Jose Roland Moya, deputy director-general ng ECOP.

(Maaaring mapilitan ang mga employer na magbawas ng ilang manggagawa o di kaya'y ipasa ang dagdag-gastos sa umento sa mga presyo ng bilihin at serbisyo.)

Noong Oktubere 5, 2017 huling nagpatupad ng P21 wage adjustment sa NCR kaya inaasahan na maglalabas na ng desisyon ang RTWPB-NCR sa mga susunod na araw.
    
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.